November 23, 2024

Turismo, unti-unting babangon sa gitna ng COVID-19

BINUKSAN na ang Boracay sa mga local at foreign tourist para sa bubble tourism campaign ng gubyerno na inaasahang unti-unting magpapasigla ng ekonomiya sa bansa sa gitna ng Covid-19 pandemic.

Nitong October 1, pinangunahan ng Department of Tourism ang opening ng world’s famous white sand beach, para makahikayat ng mga turista na gustong maiba naman ang kanilang nakikita o tanawin.

Nag-resume na rin ang araw-araw na byahe ng mga airline company mula sa Maynila patungo sa Caticlan para sa mga turista na pupunta sa Boracay.

Sabi nga ng ilan, mga ka-Agila, hindi muna sila bibyahe sa Boracay o iba pang tourism destinations hanggang walang bakuna at matiyak na ligtas ang lugar mula sa nakamamatay na virus.

Isa pa sa rason kung bakit kakaonti o hindi dumagsa ang mga tao sa Bora ay dahilan sa masyadong mahal ang swab test ng Covid19 na umaabot sa P8-libo kada isa.

Ayon kay Mayor Frolibar Bautista ng Malay, Aklan, milyun-milyong piso ang nalugi sa kita ng mga hotel, resorts, restaurants, sari-sari stores, tourist guides, mga operator ng bangka at iba pang negosyo sa isla ng Bora.

Sa pagtaya ni Bautista, umabot sa 2 million tourist ang bumisita at nag-stay sa Boracay noong 2019 bago manalasa ang covid-19 nitong Marso 2020.

Pero, isinarado ang Bora dahil sa pagkalat ng virus sa bansa at muling binuksan nitong October 1.

Paalala ni Mayor Bautista sa mga turista na sumunod lang sa ipinatutupad na mga regulasyon at health protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus.

“Boracay is waiting for you, bring your family and friends and enjoy the beauty of Boracay,” paanyaya ni Mayor Bautista.

Umabot lang sa 35 turista ang nagtungo sa Boracay sa unang araw ng pagbubukas nito.

Sa pagbubukas ng Bora, inaasahang mag-oopen na rin ang Bohol para sa mga local and foreign tourists na gustong magtampisaw sa magaganda at white sand beaches sa Panglao.

Sa kabila ng 68 new covid cases sa Baguio, nagbukas na rin ang Northern Luzon tourism bubble sa Region 1 para buhayin ang ekonomiya.

Naniniwala si Baguio city Mayor Benjie “Contact-tracing czar” Magalong na babangon ang buong lungsod sa pamamagitan ng ‘tourism bubble’ na exclusive pa lamang sa mga residente at mula sa Ilocos region.

Mga ka-Agila, lugmok na ang turismo at ekonomiya sa Baguio, Ilocos Region at Cordillera Autonomous Region dahil sa epekto ng Covid19 pandemic.

Staycation naman ang pinapayagan ng Department of Tourism sa Metro Manila na kasalukuyang nasa ilalim ng General Community quarantine

Para kay DOT Sec. Berna Romulo-Puyat, unti-unti nilang bubuksan ang mga tourist spots para makabangon ang mga negosyo at kabuhayan ng mga umaasa sa turismo na pinadapa ng pandemya.

Maglalabas ang DOT ng listahan ng staycation hotels sa Metro Manila.

Pwede anya gamitin ang swimming pool, restaurant at gym pero bawal pa ang massage parlor dahil sa physical distancing.

Wala namang age restriction sa staycation kaya pwedeng sumama ang mga bata at mga senior citizen…pero kailangan pa rin na ‘negative’ ang resulta ng antigen test, isa sa mga requirement ng DOT.

Matumal pa rin ang mga turistang dumarating na El Nido, Palawan dahil sa pangamba ng pagkahawa-hawa sa virus.

Ipinagpasalamat naman ni Tourismo PH Chief Operating Officer Rafael Chico ang naging desisyon ng DOT na payagan ang staycation at pagbubukas ng Boracay, Baguio city at El Nido, Palawan dahil maraming kawani ang nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

Kung nagbukas na ang Bora, isinarado naman sa mga turista ang Batanes island matapos magtala ng dalawang kaso ng COVID19 nang umuwi ang ilang locally stranded individual kamakailan.

Nag-aatubili daw si Batanes Gov. Marilou Cayco na buksan ang islang lalawigan sa domestic tourism hanggang sa December ng taong ito.

Mga ka-Agila, magdasal na lang po tayo na sana ay matapos na ang pandemya para makapag-enjoy naman tayo sa beaches at iba pang pasyalan sa ating bansa, ika nga ng kasabihan, This too shall pass! Ang ibig pong sabihin, kahit gaano pa katindi ang mga problema na ating sinusuong, lilipas din yan!

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinion, magpadala lang ng mensahe sa [email protected]