December 24, 2024

EX-RADIO REPORTER DISMAYADO SA CONSUL GENERAL NG PILIPINAS SA SYDNEY, AUSTRALIA

DISMAYADO ang dating radio reporter ng DZRH kay Consul General Ezziden Tago matapos ang tahasang pag-amin nito na hindi matutulungan ng Philippine Consulate sa Sydney, Australia ang kanyang kapatid na si Inocenio Coy Garcia na mabawi ang dalawang menor de edad na anak nito na dinukot ng social workers ng Department of Children Services (DoCS) at personnel ng Family Community Services and Justice (FCSaJ) noong taong 2014.

Noong September 17, 2020, sa kauna-unahang pagkakataon, lumabas sa pagtatago si Tago at hinarap ang kapatid ni Coy na si Jess [Garcia] dating DZRH radio reporter sa Sydney, Australia.

Kuha ni Danilo Ecito

Ngunit tulad ng inaasahan ng pamilya, ipinahayag ni Tago na walang pondo ang kanilang tanggapan para tulungan si Coy na mabigyan ng abugado at mailaban na mabawi ang dalawang anak na kinidnap ng mga social worker noong Sept. 23, 2014 habang ito ay nasa trabaho.

Hindi rin umano matululungan ni Tago si Coy na makalabas ng bilanguan matapos itong mahatulan na makulong ng labing apat na buwang pagkabilanggo na walang bail at parole sa kasong unlawfully broadcast/publish name of child ng Mt. Druitt Local Court, NSW, sa Sydney Australia noong Sept. 3, 2020 dahil sa pag-post ng mga larawan at pangalan ng dalawang menor de edad na anak nito na kinidnap ng mga social worker.

Sa pakikipag-pulong ni Jess kina Consul General Tago at deputy consul Manny Guzman bitbit ang dalawang maletang dokumento, sinabi nina Tago at Guzman na handa umano nilang tulungan si Coy sa legal na paraan sa oras na may go signal mula sa tanggapan ni Foreign secretary Teodoro Locsin, Jr.

Kuha ni Danilo Ecito

Paliwanag ni Tago wala umanong pondo ang kanilang tanggapan na nakalaan para sa legal assistance sa mga Filipino sa Australia na may kinakaharap na kasong legal at tanging magagawa nila ang magbigay ng mga pangalan ng mga pribadong Filipino – Australian lawyers.

Dagdag pa ni Tago kanilang pag-aaralan ang mga dukumento ni Coy upang malaman kung kinakailangan nga ba itong bigyan ng tulong.

Ipinag-utos ni Tago kay Jess na magsumiti ng katibayan na isang Filipino citizen si Coy at inatasan din nito na lumiham si Coy sa kanyang tanggapan upang humihingi ng tulong mula sa konsulado at pinapayagan nito na makausap siya ng abugado sa loob ng piitan.

Ngunit giit ni Tago na walang katiyakan na kanilang matutulungan si Garcia kung walang go signal mula kay Secretary Locsin.

Matatandaan na tinawagan ni Senator Christopher ‘Bong Go’ Lawrence ang Philippine  Consulate sa Sydney Australia upang atasan na imbestigahan at tulungan si Coy sa kinakaharap nitong kaso.

Samantala maging si Senator Ramon Bong Revilla jr. ay sumulat sa Department of Foreign Affairs noong September 1, 2020 upang hilingin na imbestigahan ang kaso ni Coy at tulungan itong makalabas ng bilangguan at mabawi ang dalawang anak nito.

Maging si Senator Imee Marcos ay nangako na tutulungan si Coy na makamtan ang hustisya at mabawi ang dalawang anak nito.

Hiningi ni Senador Marcos ang mga dukumento sa kaso ni Coy upang mapag-aralan at mabigyan ng tulong legal si Garcia na makalaya at mabawi ang dalawang anak na kinidnap ng mga Australian social worker.

Matapos magpahayag ng suporta ang tatlong senador doon lamang nakipag-ugnayan si Tago sa kapatid ni Coy.

Ayon kay Jess tumawag sa kanya ang kalihim ni Tago noon lamang September 14, Lunes, upang makipag-appointment para malaman kung ano ang kanilang magagawa para matulungan ang kapatid nito na nakakulong at maibalik ang dalawang anak na tinangay noon pang 2014.

Matatandaan na si Tago ay nagsilbing Ambassador sa Kingdom of Saudi Arabia mula 2011 hangang 2016 at sa panahon ng kanyang panunungkulan libu-libong distressed Overseas Filipino Workers ang hindi natulungan makauwi ng Pilipinas, nakauwi lamang ang mga OFWs matapos manungkulan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2016.

Umaasa si Jess na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kapatid at mabawi ang dalawang pamangkin upang maging masaya ang kanilang Kapaskuhan.

oOo

Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09460243433 o mag-email sa [email protected].