MGA Ka-Agila, nakabayad ka na ba ng kuryente mo? Sa gitna ng pandemya, hindi nagpatinag ang Meralco sa paniningil sa mga kustomer na pinadapa ng COVID-19 dahil sa pagkalugi sa negosyo at nawalan ng trabaho.
Ang hindi po matanggap ng ating mga kababayan ay magbabayad tayo, (kasama na ako) nang kuryente na hindi naman natin alam kung papaano nakuha ang sinisingil na metro mula nang ipatupad ang state of national health emergency sa bansa.
Nanghula na lang ba ang Meralco o kinonsulta si Madam Auring o mga tarot card readers sa Quiapo para maisulat sa billing ang libu-libong halaga ng konsumo sa kuryente. Aba, Meralco, baka nakakalimutan n’yo, dapat may ire-refund pa kayo sa aming mga konsyumer na ilang bilyong piso na inutos ng Korte Suprema, ilang taon na ang nakalipas. Anyare na?
Mantakin nyo mga Ka-Agila, umabot ang kuryente namin ng P13,000 noong Mayo, dahil nag-times three ito nang regular naming konsumo na P3-libo hanggang P4-libong piso kada buwan bago ang COVID pandemic. Bukod pa riyan, may P21,000 pa raw akong babayaran dahil sa nakonsumo namin simula Mayo hanggang Hulyo. Tipid na tipid pa nga kami sa kuryente dahil electric fan na lang ginagamit sa halip na aircon. Nagsasarado ng ilaw sa gabi para bawas sa ikot ng metro. Kaya humingi po ako ng saklolo at paliwanag kay Ginoong Joe Zaldariaga, spokesperson ng Meralco at pinasilip sa staff nya ang billings ko pero hindi pa rin kami nagkasundo sa billings. Nabill shock din po ba kayo? * Nagulantang ang tabakuhan ng Ilokandia nang masilip at madiskubre ni Sen. Imee Marcos na P8-B ang inilaan ng Dept of Budget and Management (DBM) sa implementasyon ng ‘Murang Kuryente Act”.
Sa virtual briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa panukalang 2021 national budget, nabuking ni Marcos na ganito pala kalaki ang gagastusin ng gobyerno na pambayad sa Meralco, electric cooperatives at iba pang power distributors sa bansa.
Ika nga ni Marcos, “cheap electricity is very expensive” dahil popondohan ng P8-B na kinumpirma ni Budget Sec. Wendel Avisado.
Ayon kay Sec. Avisado, ang P8 billion ay inilaang subsidiya sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation sa 2021 para maipatupad ang Murang Kuryente law na inakda ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Aba’y teka lang, di ba’t kelangan ng gobyerno ng pondo para ipambili ng bakuna, pangtulong sa mga mahihirap at middle class na nawalan ng mga hanapbuhay dahil sa pandemya.
“Di kaya ang pondong yan ay maaaring gamitin sa kampanya ng isang pulitiko na itinutulak ng ama na tumakbong Pangulo sa 2022 Presidential elections?, tanong ng mga Ka-Agila.
** *
Naging maingay sa social media at maging sa traditional media ang kaso ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na nakabalik na sa Amerika nitong Linggo, matapos pagkalooban ng absolute pardon ni Pang. Duterte.
Siyempre, masakit sa loob ng pamilya ni Jennifer Laude ang hakbang ng Pangulo na ikinagulat din mismo ng Amerika at ni outgoing Ambassador Sung Kim.
Bakit nga kaya ganito ang naging pasiya ni Pang. Duterte, mga Ka-Agila?
Bilang Pangulo, siya rin ang implementor ng foreign policy ng bansa. Sa gitna ng iringan ng dalawang super powers na bansa (China at USA), hindi naging madali kay PRRD ang desisyong ito.
Kumbaga, mabigat na balancing act o tinimbang-timbang nang husto ni PRRD ang posibleng consequences nito at epekto sa diplomatikong relasyon ng Pilipinas sa China at Amerika.
Sa liit ng Pilipinas, sabi nga ng Pangulo, inutil siya na makipagbangaan at makipag-giyera sa China at ayaw din nyang maipit sa away ng dalawang super powers.
Dahil hindi sumunod si PRRD sa kagustuhan ng Amerika na ipagbawal at kanselahin ang lahat ng mga kontrata sa US ng Chinese companies, mas minabuti nyang ibigay si Pemberton para patahimikin si Uncle Sam.
Kaya tuloy pa rin ang mga malalaking kontrata ng ilang Chinese companies, gaya ng Sangley airport sa Cavite at iba pang Build, Build, Build projects.
** *
Mga Ka-Agila, saludo po tayo kay Pres. Duterte nang aprubahan niya ang recommendation ng inter-agency superbody na pinamumunuan ni DOJ Sec. Menardo Guevarra para maghain ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay former President and CEO Ricardo Morales at iba pang officials ng Philippine Health Insurance Corp.(PhilHealth).
Kabilang sa mga kakasuhan ay sina SVP Aragona, IT OIC Gabuya Jr., SVP Limsiaco, SVP Francis Pargas, COO Arnel de Jesus, at division chief Bobby Crisostomo.
Ang mahalaga dapat tutukan ni Kuya Eagle Dante Guierran, Pres. and CEO ang pagreporma at paglilinis sa PhilHealth sa loob ng natitirang dalawang taon ng Duterte administration.
Dapat buwagin ang patuloy na upcasing ng mga sakit, iba pang katiwalian na deka-dekada ng ninakawan ng mga tiwaling opisyal at mga kawani ng korporasyon.
Nagtatanong ang ilang Senador, bakit hindi raw kasama sa kakasuhan si Health Sec. Francisco Duque na alam ng lahat ay naging bahagi ng PhilHealth sa loob ng halos dalawang dekada?
Your guess is as good as mine!
Para sa inyong opinyon at suhestyon, mag-email lang sa ante. [email protected]
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE