September 20, 2024

Mariah Carey nagdadalamhati sa pagpanaw ni Lloyd Cadena

LABIS ang kalungkutan ni Mariah Carey sa pagpanaw ng isa sa kanyang biggest Filipino fans na si Youtube star Lloyd Cadena, at nagpaabot ng panalangin sa kanyang pamilya.

Sa official Twitter account ng naturang Songbird Supreme kaninang umaga, Sept. 5, ay ibinahagi nito ang kanyang reaksyon sa maagang pagpanaw ni Cadena.

“So sad [crying emoji] RIP Lloyd, you will be missed [broken heart emoji] Sending my prayers to his family and friends during this difficult time,” retweet ni Carey sa kanyang Filipino fan page na nagbigay ng tribute kay Cadena.

Inilarawan ng local Mariah Carey fan page si Cadena bilang isa sa kanilang pinakamamahal na miyembro at maaalala bilang mapagbigay, mabait, mapagmahal at mapagkumbaba na tao.

Maliban sa kanyang nakatatawang online content, nakilala si Cadena dahil sa kanyang pagmamahal sa iconic singer.

Kahapon, Setyembre 4, ay opisyal na inanunsiyo ang pagyao ni Cadena sa pamamagitan ng kanyang official Facebook page. Siya ay pumanaw sa edad na 26 na hindi pa ibinubunyag ang dahilan.

Ilang sikat na personalidad ang nagluluksa sa paglisan ni Cadena at nagpaabot ng pakikiramay sa kanyang naulila.

Nagsimula gumawa ng content si Cadena sa Youtube noong 2011 at isa sa mga sinusubaybayan na Filipino vlogger. Sa loob ng ilang taon, nakahakot siya ng 5.34 million subscribers sa kanyang main channel at 3.1 million subscribers sa kanyang vlogging channel.