November 23, 2024

Magandang pamana sa batang Maynila ang renobasyong ginawa sa Lagusnilad

Kumusta ang buhay natin, mga Cabalen? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan.

Hanga tayo sa ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno sa Lagusnilad underpass. Ibang-iba na ang hitsura nito kumpara sa dati.

Napakaganda. Pinaganda ng mga mural na nagpapakita ng kasaysayan nating Pilipino. Gayundin ng pagiging makabayan natin. Kumbaga, pinaghalo ang history at contemporary ang desinyo nito.

Kaya naman, malaki ang naging pagbabago nito na ikinatuwa hindi lamang ng mga Manilenyo. Kundi ng  ating mga kababayan.

Mababasa rin dito ang sinauna nating alpabeto na Baybayin. Kaya naman, nakakaproud dumaan dito dahil sa hindi na dugyot ang hitsura nito.

Isa pa, maaliwalas itong tingnan at ligtas. Hindi gaya rati na madilim at madungis. Kaya naman, hindi na ito pupugaran ng mga illegal vendors at mga isnatsers.

May mga nakalagay ding mga CCTV upang maiwasan ang kriminalidad. Hindi ba, nakakatuwa, mga Cabalen?

Ang maganda pa rito, may ilalagay na bookstore sa Lagusnilad. Ito ay dahil ang target ng lungsod na maipamana sa Batang Maynila ang kahalagahan nito.

Dekada 60 itinayo ang Lagusnilad Underpass na nakonekta sa Manila City Hall. Gayundin sa Instramuros. Gaya nga ng sinabi natin, malaki na ang ipinagbago nito.

Nawa’y tularan ng ibang alkalde ang ginawa ni Mayor Isko. Na nagpapahalaga sa makasaysayang pook, na naging salamin ng ating lahi.