BARADO agad at wala nang pag-asang umusad sa Kongreso ang lumutang na suhestiyon na patawan ng buwis ang kape.
Ito ang tahasang pahayag ni Marikina City Representative Stella Quimbo matapos ulanin ng batikos ang naturang ideya na nagmula kay Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) president Olivia Limpe-Aw.
Ayon kay Quimbo, malinaw na “dead on arrival” ang panukalang coffee tax dahil hindi naman nakasasama sa kalusugan ang kape—hindi gaya ng alak, sigarilyo, at matatamis na inumin na sakop ng sin tax upang pigilan ang labis na pagkonsumo ng publiko.
BASAHIN: DOF, itinutulak ang agarang pagpasa sa Multinational Minimum Tax Act upang masiguro ang P24.4-B kita ng bansa
Bukod sa mahirap itong ipatupad dahil iba-iba ang timpla at tapang ng caffeine, iginiit ng mambabatas na pangunahing inumin ng lahat ng antas ng Pilipino ang kape at mas mainam pa nga itong alternatibo kaysa sa pag-inom ng alak.
Sa halip na kape, sinabi ni Quimbo na dapat na lamang pagtuunan ng pansin ang pagpapataw ng karampatang buwis sa mga alcopops na kasalukuyang mas mababa pa umano ang buwis kumpara sa beer.
Gayunman, nilinaw ng kongresista na may matagal nang hiwalay na panukala at debate hinggil sa pagbubuwis sa 3-in-1 coffee dahil sa taglay nitong asukal, bagama’t una na itong inilibre noon sa sugar-sweetened beverage tax dahil karaniwan itong binibili ng mahihirap na mamamayan.
