Umabot sa tinatayang 9.8 milyong pamilyang Pilipino o katumbas ng 37% ang nagsabing itinuturing nila ang kanilang sarili na mahirap, ayon sa pinakahuling third-quarter nationwide survey ng OCTA Research.
Bukod dito, lumabas din sa naturang pag-aaral na isinagawa mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026, na nasa 22% o humigit-kumulang 5.8 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom dahil sa kawalan ng makakain.
Ayon kay OCTA Research Founder at President Prof. Ranjit Rye, sinabi nitong bagama’t halos hindi nagbago ang numero mula noong second quarter, kapansin-pansin ang malaking pagtaas ng bilang ng mga naghihirap at nagugutom kung ikukumpara sa unang bahagi ng taon.
Nananatili namang pangunahing inirereklamo ng mga Pilipino ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin o inflation na nakakuha ng 42%. Pumangalawa rito ang panawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa, habang umakyat naman sa ikatlong puwesto ang pagsugpo sa graft and corruption.
Samantala, hinimok din ni Prof. Rye ang mga kabataang nasa edad 18 hanggang 24 na magparehistro na para sa darating na halalan.
Aniya, malaki ang magiging papel ng youth vote sa paghubog ng kinabukasan ng bansa lalo’t tinataya ng COMELEC na 45% sa tatlong milyong bagong botante ay pawang mga kabataan.
Nakatakda ring ilabas ng OCTA sa susunod na linggo ang kanilang special survey hinggil sa pulso ng publiko sa nalalapit na pagpapatuloy ng impeachment trial sa Disyembre.
