Wala nang dapat ikaltas sa sahod ng mga empleyadong solo parent para sa kanilang buwanang PhilHealth premium contribution dahil sasagutin na ito ng gobyerno.
Ito ang mariing paalala at babala ni Bagong Henerasyon (BH) Partylist Representative Robert Nazal sa mga pribadong kumpanya at ahensya ng pamahalaan matapos maipatupad ang batas na kanilang isinulong at nilaanan ng pondo sa national budget.
Ayon sa mambabatas, bagama’t noong Oktubre pa dapat nagsimula ang implementasyon nito, marami pa ring kumpanya ang patuloy na nagkakaltas ng employee share sa kanilang mga manggagawang solo parent.
“Wala nang employee share ‘pag solo parent. Kaya po ‘yung mga private companies na nakikinig, makipag-coordinate na po kayo doon sa inyong PhilHealth dahil hindi niyo na kailangan kaltasan ‘yung inyong solo parent na empleyado,” giit ni Nazal sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay.
Nilinaw niya na kailangan lamang isumite ng mga empleyadong solo parent ang kanilang opisyal na Solo Parent ID sa kanilang human resources (HR) o kumpanya upang ma-exempt sa kaltas.
Maaari rin aniyang magsumbong sa Department of Labor and Employment (DOLE) o sa kanilang tanggapan ang sinumang solo parent na kinakaltasan pa rin sa kabila ng pagpapasa ng kaukulang ID.
Kasabay nito, binatikos at kinalampag din ni Nazal ang Department of Health (DOH) at PhilHealth dahil sa umano’y paghina ng serbisyo sa mga Malasakit Center sa mga ospital.
Aniya, nawala na sa ilang ospital ang mga kinatawan ng PCSO at DSWD kung kaya’t ang mga pasyente na mismo ang inuutusan ng ospital na maghanap ng kongresista o senador para makakuha ng Guarantee Letter (GL).
“May sakit ka na, stressed ka na, hahanap ka pa ng koneksyon mo,” ani Nazal.
Iginiit niya na dapat ibalik ang totoong “one-stop shop” setup sa loob mismo ng mga pampubliko at maging sa mga pribadong ospital kung saan ang ospital at DOH na ang direktang mag-aasikaso sa tulong-medikal ng pasyente. (MINA PADERNA)
