Mariing kinondena ni Senate President Win Gatchalian ang pagpaslang sa isang principal sa lalawigan ng Maguindanao del Sur, kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na agad na imbestigahan ang krimen at panagutin ang mga nasa likod nito.
Sa isang opisyal na pahayag mula sa tanggapan ng Pangulo ng Senado, binigyang-diin ni Gatchalian ang kanyang matinding pagtutol sa pagpatay kay Dr. Dionel Villavito Mahusay, principal ng Datu Pendililang Piang Elementary School sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
“Mariin kong kinokondena ang pagpatay kay Dr. Dionel Villavito Mahusay, principal ng Datu Pendililang Piang Elementary School, sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur. Hinihimok ko ang mga awtoridad na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon at dalhin sa hustisya ang mga responsable,” ani Gatchalian.
Iginiit din ng senador na hindi dapat nabubuhay sa takot ang mga kaguruan at pinuno ng mga paaralan habang ginagampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.
“Ang ating mga school leaders at mga guro ay dapat na nakapaglilingkod sa kanilang mga mag-aaral at komunidad nang walang pangamba para sa kanilang kaligtasan,” dagdag pa niya.
Nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay si Gatchalian sa pamilya ng biktima, gayundin sa mga mag-aaral, kasamahan sa trabaho, at sa buong komunidad ng Datu Saudi Ampatuan, sabay pagtiyak na nakikiisa siya sa kanilang panawagan para sa agarang katarungan.
