Inihayag ng Department of Agriculture-National Meat Inspection Service (DA-NMIS) ngayong Lunes na umabot na sa P50 million na halaga ng hot meat o botcha ang kanilang nasamsam sa buong bansa ngayong papalapit ang panahon ng Kapaskuhan.
Sa isang ambush interview, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na karamihan sa mga nakuha nilang karneng walang sapat na permiso ay nagmula pa sa ibang bansa.
“Siguro mga P50 million… China, may US din,” pahayag ng Kalihim.
Ayon sa NMIS, 90 percent ng mga nakumpiskang hot meat ay imported, habang ang natitirang 10 percent ay mula sa lokal na supply.
Nangako naman si NMIS OIC Executive Director Fernando Lontoc na mas pahihigpitin pa nila ang mga operasyon ngayong holiday season.
“Nasa 240 tons na nakukumpiska natin. Malaki-laki na iyon, lalo na ngayong ber months, patuloy nating i-intensify ang ating operations,” ani Lontoc.
“Kasi unang-una, tungkulin natin na i-safeguard ‘yung consuming public at nakakatulong din tayo sa hog raisers.”
Sa kasalukuyan, nakatutok ang mga huli sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.
Samantala, tiniyak naman ni Tiu Laurel na walang nakikitang hindi karaniwang pagtaas o unusual spike sa presyo ng karne ng baboy ngayong Pasko.
“We do not see any unusual spike. Kung sakaling mayroon mang ganun, naka-monitor naman. Mayroong Bantay Presyo, we will call their attention,” dagdag pa niya.
Ayon sa pinakabagong datos ng DA-Bantay Presyo, ang lokal na pigue ay naglalaro sa P240 hanggang P380 bawat kilo, habang ang lokal na liempo naman ay nasa P300 hanggang P440 bawat kilo. Para naman sa imported na karne, ang imported na kasim ay nagkakahalaga ng P210 hanggang P270 bawat kilo, habang ang imported na liempo ay nasa P280 hanggang P350 bawat kilo.
Paliwanag ng DA chief, posibleng maglaro lamang sa 3% hanggang 5% ang galaw sa presyo dahil sapat ang stock inventory ng bansa sa kabila ng inaasahang pagtaas ng demand.
Mayroon pang hindi bababa sa 170 araw na supply ng baboy ang bansa sa kasalukuyan.
