Pinalakas ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang access controls at in-update ang authentication processes sa kanilang mga digital platform kasunod ng kamakailang nangyaring data breach.
Ayon sa pahayag ng komisyon ngayong Lunes, nagpatupad din sila ng karagdagang technical safeguards at monitoring rules sa buong digital infrastructure ng ahensya upang maiwasan ang mga posibleng vulnerability at hindi na ito muling maulit.
Kasalukuyan na ring nagsasagawa ng comprehensive investigation at system-wide audit ang SEC sa lahat ng kanilang digital platforms para matiyak ang seguridad ng kanilang mga datos.
Batay sa paunang imbestigasyon ng SEC, lumalabas na walang kumpanya o company records ang naapektuhan sa nasabing insidente.
“No passwords were leaked and no data was modified or altered in any way. The SEC assures the public that all internal database infrastructure and system integrity remain intact,” pahayag ng komisyon.
Gayunpaman, inamin ng ahensya na may ilang personal data ng mga indibidwal (tulad ng profile information) ang posibleng na-expose. Kasalukuyan pang inaalam ng SEC ang pinagmulan, sakop, at pagkakakilanlan ng mga naapektuhang rekord.
Agad namang nagpatupad ang SEC ng mga containment at preventive protocols gaya ng security scans, pag-check sa indicators of compromise, digital forensics, at log analyses upang alamin kung may iba pang bahagi ng system ang pinasok nang walang pahintulot.
Opisyal na ring ipinagbigay-alam ng SEC ang insidente sa National Privacy Commission (NPC).
Habang patuloy ang pagsusuri sa kabuuang epekto ng breach, pinapaalalahanan ng SEC ang publiko na maging maingat at magpatupad ng karagdagang security measures para maprotektahan ang kanilang mga personal na account.
