Binigyang-diin ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na bagama’t marami nang pagbabago sa ahensya, malayo pa ang kailangang lakbayin upang ganap na matugunan ang mga pangangailangan ng corrections system sa bansa.
Inihayag ito ni Catapang sa pagbubukas ng lingguhang pagdiriwang ng 121st Founding Anniversary ng BuCor ngayong Lunes, Nobyembre 9, 2026, na ginanap sa New Bilibid Prison Compound sa Muntinlupa City.
Inalala ng BuCor chief ang mga matitinding hamon na kaniyang dinatnan nang umupo siya sa pwesto noong Oktubre 2022. Kabilang dito ang kakulangan sa pasilidad, kawalan ng malinaw na doktrina, organizational weaknesses, at kulang na lohistika.
“Name it, and we had it here in BuCor,” pahayag ni Catapang sa kaniyang talumpati sa harap ng mga kawani ng ahensya.
Sa kabila ng mga naging balakid, ipinagmalaki niya ang mga positibong pagbabago sa BuCor. Umabot na sa 4,000 karagdagang personnel ang naidagdag sa manpower ng ahensya, habang patuloy naman ang rehabilitasyon at pagpapatayo ng mga bagong pasilidad sa mga operating prisons at penal farms sa buong bansa.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Catapang na kailangang sabayan ng professionalism at accountability ang mga isinasagawang reporma. Nagbitiw din ito ng direktang babala sa mga empleyadong hindi ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin.
“Ayusin ninyo ang trabaho ninyo. Ayoko namang gayahin pa ang Pangulo at sabihing, ‘Mahiya naman kayo,’” diin ng Director General.
Itinalintulad niya ang mga nagpapabayang kawani sa “bulok na prutas sa basket” na pwedeng makahawa at makasira sa buong organisasyon.
Inilarawan din niya ang dating BuCor na parang tren na nadiskaril, ngunit ngayon ay nakabalik na sa riles at patuloy na bumabyahe patungo sa mga layunin nito.
“You are being rated based on your performance. If you are not fit for the job, we will remove you from the service,” babala pa niya.
Nagpasalamat naman ang opisyal sa suporta ng mga empleyado sa mga repormang ipinatupad sa ilalim ng kaniyang pamumuno, habang nanawagan ng patuloy na pagkakaisa, dedikasyon, at integridad upang makabuo ng mas epektibong corrections system sa Pilipinas.
