Sa layuning makahanap ng agarang solusyon sa overcrowding sa mga pampublikong paaralan, isinusulong ngayon ng Department of Education (DepEd) ang pag-upa o pag-lease ng mga pasilidad at ari-arian ng mga pribadong paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, pinapalawak ng DepEd ang kanilang infrastructure strategy upang isama ang pag-lease sa mga compliant private school facilities kasabay ng pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan sa mga urban areas.
Paliwanag ng DepEd sa isang statement, dinesenyo ang ideyang ito upang maiwasan ang taon-taong delay sa pagpapatayo ng mga gusali at makapagbigay ng mabilis na relief sa mga siksikang pampublikong kampus.
Binigyang-diin ng DepEd Secretary na ang leasing ay isang agile at high-impact solution kasabay ng mga tradisyunal na building projects upang matugunan ang agarang pangangailangan sa mga silid-aralan.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na infrastructure strategy ng DepEd, na gumagana kasabay ng mga construction projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), partnerships sa local government units (LGUs), Public-Private Partnerships (PPP), DepEd Learning Continuity Spaces, at pakikipagtulungan sa iba pang organisasyon.
“We cut down waiting times significantly, decongest our public campuses and ensure our learners are sitting comfortably in classrooms rather than makeshift spaces,” pahayag ni Angara sa statement.
Gagawin munang pilot sites para sa tinatawag na “learning space expansion” ang Baliwag at Marikina, habang target naman ng leasing program ang iba pang highly-congested public campuses sa mga pangunahing lungsod at rehiyon.
Nagsimula na rin ang mga DepEd regional offices na suriin ang iba pang posibleng i-lease na kampus upang matiyak na masusunod nang mahigpit ang mga pamantayan sa safety, accessibility, at proximity para sa mga estudyante.
