Photo: Department of Agriculture
Pinuri ng Department of Agriculture (DA) ang naging hakbang ng Office of the Ombudsman na patawan ng preventive suspension ang tatlong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y pagkakadawit ng mga ito sa higit P94 milyong halaga ng mga “ghost” farm-to-market road (FMR) project.
Epektibo agad ang naturang suspension order na nag-ugat sa reklamong inihain ng DA laban sa mga opisyal ng DPWH kaugnay ng walong kwestyonableng FMR project sa Davao Occidental.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng mga FMR project sa pagsuporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, pati na rin sa pagtataguyod ng seguridad sa pagkain ng bansa.
Aniya, ang mas mabilis na pagdadala ng mga huli at ani sa mga pamilihan sa tulong ng mga kalsadang ito ay nangangahulugan ng mas mataas na kita para sa mga magsasaka, mas mababang gastos sa produksyon, at mas mabilis na pag-unlad ng mga rural na komunidad.
Batay sa utos ng Ombudsman na may petsang Setyembre 21, isinailalim sa preventive suspension na hindi lalagpas sa anim na buwan ang tatlong opisyal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Samantala, hindi na nasama sa suspension ang iba pang respondents dahil wala na ang mga ito sa serbisyo sa gobyerno.
Magugunitang noong Mayo 21 nang maghain ng kasong graft and corrupt practices, malversation, at falsification of public documents ang DA laban sa mga nabanggit na opisyal.
Sa imbestigasyon ng DA Internal Audit Service, natuklasan na may isang proyekto na iniulat na 100 porsyentong tapos na at nabayaran nang buo noong 2023, ngunit kasalukuyan pa palang ginagawa.
Sa isa namang proyekto, walang nakitang anumang daanan o nakalapag na graba, na nagpapatunay na hindi talaga ito naipatupad.
