Patuloy na pinalalakas ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV), ang Non-East Zone subsidiary ng Manila Water, ang pondo at preparasyon para sa supply ng tubig sa North Luzon sa pamamagitan ng mga subsidiary nitong Calasiao Water sa Pangasinan at Metro Ilagan Water sa Isabela.
Isinagawa ang mga inisyatibong ito kasunod ng babala mula sa PAGASA na kabilang ang dalawang lalawigan sa mga makararanas ng matinding tagtuyot dahil sa El Niño hanggang sa huling bahagi ng 2026, na may posibilidad na magpatuloy pa hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Sa Pangasinan, nagpatupad ang Calasiao Water ng isang comprehensive service continuity plan upang maiwasan ang anumang aberya sa serbisyo.
Kabilang sa mga ginawa ng kumpanya ang pagbawas ng aksaya sa tubig (Non-revenue water recovery), pagpapaganda ng mga tubo at pasilidad, at pagsubaybay at pag-upgrade sa performance ng mga deepwell.
Naghanda rin sila ng mga mobile water tanker at in-line boosters, bukod pa sa paglikha ng mga karagdagang pagkukunan ng tubig kung saan nakatakdang magbukas ang mga bagong deepwell sa 2027.
Samantala sa Isabela, nagbukas ang Metro Ilagan Water ng bagong deepwell nitong Mayo upang matugunan ang tumataas na pangangailangan sa tubig at masiguro ang tuluy-tuloy na supply sa gitna ng El Niño.
Kasalukuyan din silang nagtatayo ng isang 13-million-liter-per-day (MLD) water treatment plant sa Ilagan City, sa pakikipagtulungan sa City of Ilagan Water District (CIWD).
Bago ito matapos, dumedepende ang Metro Ilagan Water sa dalawang operational deepwell na may kapasidad na 5 MLD bawat isa—sapat upang matugunan ang kasalukuyang demand na 6.5 MLD sa lugar, ngunit nagdagdag pa rin ng bagong deepwell bilang pag-iingat sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Francisco Loresco, General Manager ng MWPV North Luzon operations, kinikilala ng kumpanya ang banta ng climate change at mga matinding panahon tulad ng El Niño sa seguridad ng tubig.
“Sa pamamagitan ng patuloy na pamumuhunan sa resilient infrastructure, pagpapaunlad ng water source, system optimization, at proactive operational measures, nananatiling commited ang Manila Water Philippine Ventures at ang mga operating units nito na tiyakin ang maaasahan at napapanatiling serbisyo ng tubig para sa mga komunidad na aming pinaglilingkuran,” pahayag ni Loresco.
