Muling pinagtibay ng Bell-Kenz Pharma ang suporta nito sa kalusugan at kasanayan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pamamagitan ng pagtataguyod sa ginanap na dalawang araw na “ULTIMA Coast Guard Challenge.”
Ginanap sa Philippine Coast Guard Academy sa Bagac, Bataan noong Setyembre 29 hanggang 30, ang kompetisyon ay nilahukan ng 24 na koponan mula sa iba’t ibang distrito at yunit ng PCG bilang bahagi ng paghahanda sa ika-125 anibersaryo ng ahensiya.
Pangunahing layunin ng nasabing kaganapan na subukin ang endurance, mental agility, teamwork, at kakayahang teknikal ng mga maritime defenders ng bansa sa pamamagitan ng 11 stages ng mga pagsusulit sa lakas at kasanayan Kabilang dito ang rescue swimming, firearms proficiency, rubber boat recovery, lifesaving skills, at Coast Guard law proficiency at usapin sa West Philippine Sea.
Itanghal na overall champion ang PCG Academy na nag-uwi ng P50,000, trophy, at mga produkto mula sa Bell-Kenz Pharma.
Pumangalawa naman ang Coast Guard District Southern Tagalog (P30,000), habang lumapag sa ikatlong pwesto ang Coast Guard Education, Training and Doctrine Command (P20,000).
Ayon kay Patrick Larraga, Corporate Branding and Public Affairs Head ng Bell-Kenz Pharma, layunin ng kanilang pakikipagtulungan na pasalamatan at tulungang manatiling malusog at fit ang mga miyembro ng PCG sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa bansa.
Binigyang-diin din ni Capt. Cheryl D. Boblo, Chief of Staff ng Coast Guard Human Resource Management Command, na ang tunay na lakas ng ahensiya ay nakasalalay sa dedikasyon at kahandaan ng kaniyang mga tauhan sa gitna ng mga nagbabagong hamon sa karagatan.
