Nagsagawa ng dalawang araw na libreng 15-Hour Theoretical Driving Course (TDC) ang Land Transportation Office (LTO) Barotac Viejo District Office para sa mga estudyante ng Northern Iloilo State University (NISU)–Lemery Campus noong Oktubre 13 hanggang 14, 2026.
Ang nasabing inisyatiba ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng LTO Drivers Education Center (DEC)–Iloilo City at ng pamunuan ng NISU–Lemery Campus.
Layunin nitong isulong ang kamalayan sa kaligtasan sa kalsada at hubugin ang mga mag-aaral upang maging responsableng drayber sa hinaharap.
Ayon sa LTO, bahagi ito ng patuloy na adbokasiya ni Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II na ihatid ang mga serbisyo ng ahensiya nang mas malapit sa pamayanan at gawing mas madaling ma-access ang edukasyon sa pagmamaneho, lalo na para sa mga kabataan.
Personal na nagpaabot ng suporta si LTO Barotac Viejo District Office Chief Ryan John Apalacio kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng disiplina sa kalsada at pagsunod sa mga batas-trapiko.
Hinihikayat din niya ang mga mag-aaral na mag-apply ng kanilang Student Permit sa Barotac Viejo District Office bilang pagsunod sa hakbang sa kanilang pagmamaneho.
Pinangunahan ng mga lecturer mula sa LTO DEC–Iloilo City sa ilalim ng pamumuno ni Team Leader Bernard C. Bacay, kasama sina Rey Mark Alada at Gemmuel Eola, ang pagtalakay sa mga pangunahing paksa tulad ng mga alituntunin at batas sa trapiko, mga babala at senyales sa kalsada, mga prinsipyo ng kaligtasan sa pagmamaneho (Road Safety), at ang mga tungkulin at responsibilidad ng bawat motorista.
Higit sa 200 estudyante ng NISU–Lemery Campus ang inaasahang makikinabang sa libreng pagsasanay na ito.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sangay ng LTO at ng pamantasan, muling pinagtibay ng ahensiya ang layunin nitong magkaroon ng mas ligtas na kalsada sa pamamagitan ng edukasyon. (MINA PADERNA)
