Mula walo, pinarami pa ng Bureau of Customs (BOC) sa 15 ang mga pangunahing modernization project nito sa tulong ng Public-Private Partnerships (PPP) upang mabilis na maipatupad ang mga reporma sa gitna ng limitadong pondo ng pamahalaan.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Oktubre 14, inihayag ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na karamihan sa 15 proyektong ito ay kasalukuyan nang ipinatutupad, habang ang iba naman ay natapos na.
Kabilang sa mga pangunahing inisyatibo ang Customs Processing System (CPS), isang makabagong sistema gamit ang teknolohiya ng Singapore-based software firm na Crimson Technology, na naglalayong gawing ganap na digital ang lahat ng transaksyon sa kalakalan.
Ayon kay Nepomuceno, gagana ang CPS tulad ng isang Automated Teller Machine (ATM) kung saan direkta nang makapagsumite ng mga dokumento sa digital system ang mga importer at exporter nang hindi kailangang makipagtransaksyon nang personal sa mga opisyal ng Customs.
Natakda ring i-pilot test ang nasabing sistema sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa mga daungan sa Batangas, Davao, o Cebu.
Upang maiwasan ang pagdepende sa national budget at maiwasan ang delay sa procurement tuwing panahon ng halalan, pinili ng BOC ang PPP model.
Paliwanag ni Nepomuceno, aabot sa humigit-kumulang P12 bilyon ang kakailanganin kung sa pondo ng gobyerno ito kukunin.
Binigyang-diin din niya na mas napoprotektahan ang sistema sa ilalim ng PPP dahil mismong ang pribadong sektor ang may interes na protektahan ang kanilang pamumuhunan laban sa anumang anyo ng pananabotahe.
Para sa BOC chief, ang full digitalization ang pangunahing solusyon sa mga anomalya sa kalakalan, sistematikong korapsyon, tax leakages, at congestion sa mga daungan.
“Malayo pa ang ating lalakbayin para masolusyunan ang mga problema sa BOC,” pahayag ni Nepomuceno, na mahigit isang taon pa lamang sa puwesto.
“Ngunit tulad ng sinasabi nila, nakikita na natin ang liwanag sa dulo ng lagusan dahil natukoy na natin ang mga problema at inamin nating ito ang mga kailangan nating solusyunan.”
Bilang patunay sa mga pagbabago sa ahensya, binanggit din ng komisyoner na tinanggal na ang BOC sa listahan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) bilang isa sa mga government agency na may pinakamaming reklamo. (MINA PADERNA)
