Umabot sa kabuuang P817.87 milyong piso ang diumano’y “unexplained wealth” o hindi maipaliwanag na kayamanan ni Vice President Sara Duterte mula taong 2022 hanggang 2025, ayon sa ulat at talahanayan na iniharap ng panig ng prosekusyon.
Sa ika-37 araw ng paglilitis nitong Biyernes, Oktubre 9, 2026, pinangunahan ni House Prosecutor Rep. Chel Diokno ang direct examination kay Alexander Cabrera, isang abogado at accountant, na ipinasok ng prosekusyon bilang isang “expert witness.”
Inihanda ni Cabrera ang isang forensic report matapos suriin ang mga rekord ng pananalapi ni VP Sara, ng kanyang asawang si Manases Carpio, at ng mga negosyong nauugnay sa kanila.
Ipinakita sa impeachment court ang “Table 39” mula sa mismong ulat na naglalaman ng buod ng kanilang mga natuklasan.
Ayon sa ulat ni Cabrera, umabot sa daan-daang milyon ang breakdown ng mga umano’y hindi idineklarang ari-arian at kita ng Bise Presidente bawat taon, kung saan umabot ito sa P190.63 milyon noong 2022, P167.38 milyon noong 2023, P263.22 milyon noong 2024, at P195.70 milyon naman noong 2025.
Ipinaliwanag ni Cabrera na isinama niya sa ulat ang mga taong 2022 hanggang 2025 dahil ito ang mga partikular na taon kung kailan nanunungkulan si Duterte bilang Bise Presidente ng bansa.
Ginamit ng prosekusyon ang testimonya ni Cabrera upang pagdugtungin ang mga ebidensya at ipakita ang mas malawak na anggulo para sa “Impeachment Article II.”
Sa ilalim ng artikulong ito, inaakusahan si Duterte ng pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi tapat at hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), at kabiguang bitawan (fail to divest) ang kanyang mga interes sa negosyo habang siya ay nasa pwesto.
