Opisyal na inilunsad ng DepEd, CHED, at TESDA ang programang “One Education” upang maghatid ng mas malawak at flexible na daan patungo sa trabaho para sa mga Pilipinong mag-aaral.
Sa idinaos na Fourth Joint Education Trifocal Management Committee (JETMC4) Meeting sa Dumaguete City, ipinakilala ng tatlong ahensya ang tatlong pangunahing inisyatiba.
Una na rito ang LINGAP Program, isang graduate scholarship support na nagkakahalaga ng P182.055 milyon para sa 870 slots ng DepEd personnel upang madagdagan ang mga kwalipikadong guidance counselors para sa mental health ng mga mag-aaral.
Tampok din ang LAPIT Index, isang tool na isasama sa Project TAHANAN upang tukuyin ang mga kakulangan at gap sa edukasyon ng mga estudyante mula Senior High School (SHS) patungong kolehiyo o tech-voc.
Panghuli ang ILEEP (Integrated Ladderized Education-to-Employment Pathways), isang sistema kung saan maaaring makatrabaho agad ang mga SHS graduates (gaya ng sa Data Analytics) habang unti-unting nagpapatuloy sa tech-voc o apat na taong kurso nang naa-credit ang kanilang mga naunang napag-aralan.
Tututukan ng mga pilot project ng ILEEP ang mga industriya ng digital technology, advanced manufacturing, healthcare, financial services, turismo, agrikultura, at creative industries upang matiyak na ang “Training ay may katumbas na Trabaho.”
