Mas paiigtingin pa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga hakbangin para sa kaligtasan at seguridad sa mga paaralan sa buong kalakhang Maynila kasunod ng pagtatapos ng 1st Metro Manila School Safety and Security Summit 2026.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, layon ng hakbang na ito na lampasan ang nakasanayang presensya lang ng pulisya sa labas ng mga kampus.
Sa halip, tututukan aniya ang mas malalim na pakikipagtulungan ng pulisya, paaralan, pamilya, at komunidad upang matukoy ang mga banta bago pa ito maging malalang insidente.
“Ang pinakamahalagang resulta ng summit na ito ay hindi ang bilang ng mga dumalo, kundi ang gagawin natin pagkatapos nito,” pahayag ni PBGen. Abrahano. “Inaatasan ko ang ating mga yunit na isalin ang mga natutunang aral sa mga konkretong aksyon.”
Kaugnay nito, inatasan ni Abrahano ang limang police districts sa Metro Manila na tukuyin ang mga paaralang nangangailangan ng mas masusing koordinasyon at magtatag ng direktang linya ng komunikasyon sa mga school administrator.
Kabilang sa mga pangunahing direktiba ng NCRPO ang maagang pagtukoy sa banta sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kakayahan ng mga pulis na makapansin ng mga “early warning signs” ng karahasan batay sa ulat ng mga mag-aaral, guro, magulang, at impormasyon sa internet.
Kasama rin dito ang mabilis na pagtugon sa pamamagitan ng pagrepaso sa mga emergency response plan at pagpapatakbo ng mga pagsasanay kasama ang awtoridad ng mga paaralan, pati na rin ang patuloy na pagpapalaganap ng ALICE Protocol (Alert, Lockdown, Inform, Counter, Evacuate) upang mabigyan ng tamang kaalaman ang buong komunidad sa panahon ng banta.
Binigyang-diin din ng hepe ng NCRPO na ang pagbabantay sa mga “online threats” o mga pagbabanta sa internet laban sa mga paaralan ay susuriing mabuti nang hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang takot sa publiko.
“Hindi nakukuha ang seguridad sa paaralan sa paglalagay lamang ng mas maraming pulis sa mga gate. Nakakamit ito kapag ang lahat ay nauunawaan ang kanilang tungkulin, alam kung paano mag-ulat ng aalalahanin, at handang kumilos kapag may naganap na masama,” dagdag ni Abrahano.
Tututukan at babantayan ng NCRPO ang pagpapatupad ng mga bagong patakarang ito upang matiyak ang pangmatagalang kaligtasan ng mga mag-aaral sa Metro Manila.
