Muling naging sentro ng usapan ang pamilya Villar matapos lumipat si Senator Mark Villar sa majority bloc ng Senado nitong Huwebes, Oktubre 8.
Dahil sa paglipat, itinalaga siyang chairman ng Senate Committee on Public Works at miyembro ng Commission on Appointments. Nanatili naman sa minority bloc ang kanyang kapatid na si Senator Camille Villar.
Ilang minuto matapos ang paglipat ni Mark Villar, naglabas ng corporate disclosures ang tatlong kumpanyang konektado sa pamilya—ang Vista Land & Lifescapes (VLL), Vistamalls (STR), at VistaREIT (VREIT).
Inanunsyo ng mga ito na inaprubahan na ng kani-kanilang board ang pagpapalabas ng kanilang overdue audited financial statements para sa 2025.
Bagama’t nagdulot ito ng espekulasyon sa mga stock market analyst, nilinaw na hindi pa ito sapat upang awtomatikong maibalik sa trading ang kanilang mga stock.
Sa kabuuan, anim na kumpanya ng pamilya Villar ang nananatiling suspended sa Philippine Stock Exchange (PSE) dahil sa hindi pagsumite ng mga kinakailangang report.
Wala ring bagong anunsyo mula sa AllHome (HOME), AllDay Marts (ALLDY), at Villar Land Holdings (VLC).
Nananatili ring kinakaharap ng pamilya ang serye ng mga legal na usapin.
Nagsampa ang SEC ng criminal complaint kaugnay ng mga alegasyon ng market manipulation at insider trading laban sa Villar Land, na dati nang pinagmulta ng P12 milyon dahil sa mga paglabag sa financial reporting rules at maling asset valuation.
Bukod dito, naghain din ang Office of the Ombudsman ng graft complaints laban sa pamilya dahil sa kanilang mga kontrata sa PrimeWater, kasunod ng matinding krisis sa tubig sa San Jose del Monte, Bulacan na nagbunsod sa pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod.
Bago masuspinde ang trading, bumagsak sa P448 ang presyo ng Villar Land shares mula sa 52-week high nitong P2,300.
Binigyang-diin naman ni SEC Chairman Francis Lim na patuloy nilang papanagutin ang sinumang lumabag sa batas.
