Kasunod ng ulat ng PAGASA ukol sa inaasahang napakalakas na El Niño na posibleng tumagal hanggang huling bahagi ng unang quarter ng 2027, pinalakas ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV) ang mga hakbangin at pasilidad nito sa iba't ibang service areas sa buong bansa.
Pinalakas ng Manila Water Philippine Ventures (MWPV), ang subsidiary ng Manila Water Company na namamahala sa labas ng East Zone, ang mga hakbangin sa paghahanda sa buong bansa upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa gitna ng inaasahang mahabang panahon ng tagtuyot.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ukol sa isang napakalakas na El Niño na maaaring tumagal hanggang sa unang quarter ng 2027.
Ayon sa weather bureau, hanggang 85 lalawigan sa bansa ang posibleng makaranas ng dry spell at drought mula huling bahagi ng Oktubre 2026 hanggang Marso 2027, na magdudulot ng matinding epekto sa ulan at sa pangkalahatang suplay ng tubig sa bansa.
Bilang tugon, inilatag ng MWPV ang mga nakaplanong hakbang sa 13 operating units nito sa Luzon, Visayas, at Mindanao na nakatuon sa pagpapalawak ng pagkukunan ng tubig, pagpapatibay ng impraestraktura, at pagpapanatili ng kahandaan sa operasyon.
Sa lalawigan ng Cebu, pinalakas ng MWPV-Cebu ang komitment nitong magbigay ng ligtas at maasahang tubig sa gitna ng kinakaharap na krisis sa suplay ng Metropolitan Cebu.
Sa kasalukuyan, nagpapadaloy ang MWPV-Cebu ng 30.3 milyong litro ng malinis na tubig araw-araw at may kakayahang magdagdag ng karagdagang 7.5 milyong litro kada araw para sa humigit-kumulang 12,000 kabahayan. Nananatiling matatag ang pinagkukunan ng tubig sa lugar at tuloy-tuloy ang pag-apaw nito sa weir sa kabila ng umiiral na tag-init.
Kabilang sa mga inihandang proteksyon ng kumpanya ang patuloy na pag-monitor at rehabilitasyon ng mga deep well, pagpapanatili ng pasilidad, paggamit ng mga mobile treatment plant at water tanker, at paghahanda ng mga standby deep well para sa karagdagang suplay.
Bukod dito, naghahanda rin ang MWPV sa pagtatayo ng bagong pasilidad para sa pagkuha, pagtrato, at pagbomba ng tubig na magdaragdag ng hindi bababa sa 12.5 milyong litro ng tubig kada araw para sa humigit-kumulang 20,000 pamilya sa Metro Cebu.
Ayon kay Ruby Rose Mercado, General Manager ng MWPV-Cebu, ang pinagsamang kahandaan at nakaplanong pagpapalawak ng kapasidad ay nakatutulong sa lumalaking pangangailangan ng Metro Cebu upang bumuo ng mas matatag at pampatagalang sistema ng tubig sa rehiyon.
Patuloy ding inilalapat ng MWPV ang kaparehong paghahanda sa iba pa nitong operating units sa buong bansa tulad ng Metro Ilagan Water, Calasiao Water, Laguna Water, Laguna Aquatech, at Tanauan Water sa Luzon; Boracay Water at Calbayog Water sa Visayas; Tagum Water sa Mindanao; pati na rin ang mga B2B yunit nitong Estate Water at Manila Water Infratech Solutions.
