Muling pinabulaanan at matinding tinanggihan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pahayag ng Tsina na mayroon itong sovereign rights sa mga katubigan sa palibot ng Batanes, kasunod ng pagkakadiskubre sa isang Chinese research vessel sa nasabing lugar.
Ayon sa DFA nitong Biyernes, ang isinagawang operasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) ay isang legal na law enforcement operation sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa batay sa international law.
Nagsimula ang sigalot nang matukoy nitong Huwebes ang Chinese research vessel na Jia Hai Ke 7 na nag-o-operate humigit-kumulang 37 nautical miles sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Depensa naman ng Chinese Embassy, “pangingialam” o harassment umano ang ginawa ng PCG at iginiit na karaniwang scientific operations lamang ang ginagawa ng kanilang barko sa mga katubigang diumano’y nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Tsina.
“Firmly and strongly rejects the Department of Foreign Affairs the Chinese Embassy’s assertion that China has sovereign rights and jurisdiction in the waters off Batanes,” opisyal na pahayag ng DFA, kasabay ng pagbibigay-diin na ang insidente ay malinaw na sakop ng teritoryo at karapatan ng Pilipinas.
