Pormal nang sinimulan ng Manila Electric Company (Meralco) ang Competitive Selection Process (CSP) para sa pagkuha ng 900 megawatts (MW) na baseload power supply upang matugunan ang patuloy na paglaki ng pangangailangan sa kuryente ng mga kustomer nito.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng Department of Energy (DOE) ng Certificate of Conformity sa Terms of Reference (TOR) para sa mga Power Supply Agreement (PSA) na sasalo sa 900-MW baseload requirement ng power distributor hanggang taong 2031.
Sa pamamagitan ng Bids and Awards Committee (BAC) for PSAs, nanawagan ang Meralco sa mga power generation company na magsumite ng kanilang Expression of Interest bago o sa mismong araw ng Oktubre 15, 2026.
Nakatakda naman ang Pre-Bid Conference sa Nobyembre 6, samantalang ang huling araw ng pagpasa ng mga bid o Bid Submission Deadline ay itinakda sa Disyembre 9.
Sakop ng 15-taong PSA mula sa gaganaping CSP ang paghahatid ng paunang 600-MW na suplay ng kuryente simula Pebrero 26, 2031, at karagdagang 300 MW sa Pebrero 26, 2032, habang naghihintay ng pormal na pagpapatibay mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon sa Meralco, ang pagsasagawa ng tapat at bukas na CSP ay bahagi ng patuloy nilang pagsisikap na makakuha ng sapat, maaasahan, at abot-kayang suplay ng kuryente para sa kanilang mga nasasakupan.
