Nanawagan ang Manila Water sa mga kustomer nito sa East Zone na makiisa sa nakatakdang iskedyul ng desludging o pagpapalinis ng poso negro ngayong buwan ng Oktubre.
Layunin nitong maprotektahan ang mga nakasasakop na Ilog at mga daluyan ng tubig, mapanatili ang kalusugan ng komunidad, at isulong ang maayos na pamamahala sa basurang tubig o wastewater.
Ayon sa kompanya, ang regular na pagpapasipsip ng poso negro kada lima hanggang pitong taon ay nakatutulong upang maiwasan ang pag-agos ng maruming tubig patungo sa mga kanal, estero, at ilog.
Ngayong Oktubre, magpapadala ang Manila Water ng mga desludging team sa mga barangay ng Bagong Nayon, Sta. Cruz, at San Luis sa Lungsod ng Antipolo; San Andres at San Isidro A sa Cainta; Santa Ana sa Taytay; Dulong Bayan 1 at 2, Santa Ana, Guitnang Bayan I (Poblacion), at Gulod Malaya sa San Mateo; pati na sa Geronimo at San Rafael sa Rodriguez (Montalban).
Ila-deploy din ang mga team sa mga bayan ng Baras at Jala-Jala; Barangay Pag-asa sa Binangonan; Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City; gayundin sa mga napiling kustomer sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City; at sa mga barangay ng Salapan, Pasadena, at Pedro Cruz sa Lungsod ng San Juan.
Binigyang-diin ng Manila Water na bukod sa mga coastal cleanup, tulad ng pakikiisa ng kanilang mga empleyado sa International Coastal Cleanup ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Setyembre sa Manila Bay, mahalaga rin ang preventive desludging upang pigilan ang polusyon sa mismong pinagmulan nito.
“Ang pagprotekta sa ating mga daluyan ng tubig ay nangangailangan ng aksyon sa iba’t ibang paraan. Habang ang mga coastal cleanup ay nakatutulong sa pag-aalis ng basurang naroon na sa kapaligiran, ang preventive desludging naman ay tumutulong na pigilan ang polusyon mula sa wastewater sa mismong pinagmulan nito,” pahayag ni Dittie Galang, Head ng Manila Water Corporate Communications Group.
Inaanyayahan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay o sa Manila Water upang maipaserbisyo ang kanilang mga poso negro nang walang karagdagang bayad sa ilalim ng nakatakdang iskedyul.
