Nanawagan ang iba’t ibang transport at legal groups sa Department of Transportation (DOTr) na aksyunan at hilingin ang pananagutan ukol sa isyu ng “ghost riders” sa sektor ng motorcycle taxi (MC taxi) kasabay ng paggunita sa Rule of Law Month ngayong Setyembre.
Ayon kay Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) President Atty. Ariel Inton, mahalagang ipaalala na dapat pantay-pantay na ipinapatupad ang mga regulasyon at walang sinuman ang nakatataas sa batas.
“Dapat walang exempted sa batas. Kung may kailangang baguhin sa regulation, may tamang proseso. Hindi pwedeng mawala na lang ang tanong kung nasunod ba ang mga patakarang umiiral noong panahong iyon,” pahayag ni Inton.

Nagsimula ang kontrobersya sa “ghost riders” nang matuklasan ang mga doble at kaduda-dudang pangalan sa talaan ng mga benepisyaryo para sa cash assistance program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Dahil dito, nabalot ng duda ang integridad ng rider lists pati na rin ang compliance ng mga kumpanya sa itinakdang rider cap ng pamahalaan.
Hinimok din ni Inton ang DOTr na ilahad kung may isinagawang corrective action o kung may napanagot na sa nasabing usapin.
Samantala, binigyang-diin naman nina Ariel Lim ng National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Associations of the Philippines (NACTODAP) at National Public Transport Coalition (NPTC) ang usapin ng pagiging patas sa hanay ng mga pampublikong sasakyan.
“Sa tricycle, jeep, taxi at ibang public transport, may authorization, may limitasyon at may pananagutan kapag lumampas. Kung mahigpit ang rules sa amin pero pwedeng lampasan ng iba nang walang malinaw na pananagutan, ang sumusunod sa batas ang nadedehado,” giit ni Lim.
Nilinaw naman ni Jett Cindy mula sa National Riders Coalition na hindi dapat gawing “panangga” ang mga ordinaryong rider kapag kumpanya o platform ang nagkamali.
“Di kasalanan ng rider ang paglabag ng platform. Huwag sana silang gamiting panangga. Trabaho at kabuhayan lang ang hanap nila… Kung kumpanya ang nagdesisyon, kumpanya ang dapat humarap at managot,” ayon kay Cindy.
