Kinalampag ng Motorcycle Rights Organization (MRO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang hingin ang malinaw na aksyon at pananagutan ukol sa mga hindi pa naresolbang usapin at alegasyon ng paglabag sa industriya ng motorcycle taxi.
Sa isang opisyal na liham na ipinadala nitong Setyembre 6, hiningi ni MRO Chairman Jobert “Yob” Bolaños sa LTFRB ang status ng mga imbestigasyon at regulasyon hinggil sa itinatakdang rider cap, unauthorized onboarding, at mga kondisyon sa accreditation.
“Hinihiling natin sa LTFRB na ipatupad ang sarili nitong mga patakaran, aksyunan ang mga naidokumento nang paglabag, at magbigay ng malinaw na ulat sa mga apektadong rider at stakeholder ukol sa kung ano na ang aktwal na nagawa,” pahayag ni Bolaños.
Ayon sa MRO, ilang taon nang idinudulog ang mga isyung ito sa mga konsultasyon at pagdinig sa gobyerno kung saan paulit-ulit na nangako ang mga awtoridad na mag-iimbestiga at magpapataw ng parusa sa mga mapapatunayang lumabag.
Binigyang-diin ng grupo na kailangang maging pantay ang pagpapatupad ng batas, malaki man o maliit ang kumpanyang sangkot.
Iginiit din ni Bolaños na hindi dapat ipagwalang-bahala ang kalagayan ng mga rider na posibleng na-onboard nang lampas sa pinapayagang limitasyon dahil pumasok ang mga ito nang may magandang intensyon at tiwala sa mga operator.
“Huwag niyo na kaming bigyan ng panibagong pangako na magkakaroon ng aksyon. Ibigay niyo sa amin ang aksyon, ang mga natuklasan sa imbestigasyon, at ang pananagutan na nararapat sa sitwasyong ito,” pagtatapos ni Bolaños.
