Inaasahang matatapos ng Manila Water bago matapos ang taon ang P970-milyong San Juan Reservoir na matatagpuan sa San Juan Compound sa Quezon City. Ang bagong pasilidad, na may kapasidad na 56 milyong litro ng tubig, ay papalit sa lumang reservoir upang magbigay ng mas matibay at earthquake-resilient na imbakan ng tubig para sa mga residente.
Upang matiyak ang tuluy-tuloy na supply ng tubig sa harap ng mga banta ng kalamidad at pagbabago ng panahon, isinusulong ng Manila Water ang pagpapatayo ng bagong San Juan Reservoir na idinisenyo upang makatagal sa matitinding lindol at iba pang natural na panganib.
Nakatakdang matapos bago matapos ang taong 2026, ang 56-million-liter (ML) reservoir na ito ang papalit sa lumang pasilidad upang magbigay ng mas ligtas at maaasahang imbakan ng tubig para sa mga komunidad sa Metro Manila. Binuo ito gamit ang modernong standards sa engineering, kabilang ang upgraded structural, electrical, instrumentation, at mechanical systems.
Nabatid sa mga pagsusuri ng DCCD Engineering Corporation noong 2011 at 2016 na may malubhang pagkasira na ang bubong at pader ng lumang imbakan na itinayo pa noong 1968. Lumabas sa pag-aaral na mataas ang peligro nitong bumagsak sakaling tumama ang malakas na lindol, tulad ng magnitude 7.2 na “The Big One,” bukod pa sa mga butas sa top slab na maaaring makapektar sa kalidad ng tubig na dumadaloy sa San Juan Pumping Station.
May kabuuang halaga na mahigit P970 milyon, sakop ng proyekto ang paggiba sa lumang pasilidad at ang pagtatayo ng bagong 56-ML reservoir kasama ang lahat ng kaugnay na site development works.
As of July 2026, umabot na sa 84 porsyento ang construction progress ng proyekto habang patuloy ang mabilis na paggawa upang maabot ang target completion ngayong taon.
“Sa pamamagitan ng pagmumuhunan sa mas matitibay na pasilidad tulad ng San Juan Reservoir, pinatitibay natin ang ating kakayahang maghatid ng ligtas, maaasahan, at walang patid na serbisyo ng tubig sa ating mga pinaglilingkurang komunidad, kahit sa gitna ng mga kalamidad,” pahayag ni Manila Water Corporate Communications Group Head Dittie Galang.
Ang naturang hakbang ay bahagi ng patuloy na pamumuhunan ng Manila Water upang i-modernize at patibayin ang imprastraktura ng tubig sa East Zone laban sa mabilis na urbanisasyon at matitinding banta ng kalikasan.
