Lumalabas na inuna muna ng Department of Education (DepEd) na magbigay-katuwiran sa paggastos nito sa confidential funds bago pa man humanap ng mga ebidensyang susuporta rito.
Ito ang inihayag ni Senate President Win Gatchalian nitong Miyerkules sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, habang kinukwestyon ang kaugnayan ng ibinayad na intelligence funds sa mga youth activity ng militar na tinukoy sa opisyal na tugon ng kagawaran sa Commission on Audit (COA).
Sa naturang pagdinig, ginisa ni Gatchalian si dating DepEd Undersecretary Atty. Michael Poa ukol sa naging proseso ng pagkuha ng mga sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang sagutin ang Audit Observation Memorandum (AOM) ng estado.
“Impression ko kasi dito, nag-justify kayo muna, tsaka n’yo hinahanapan ng evidence,” giit ni Gatchalian.
Ayon kay Poa, matapos lumabas ang AOM ng COA, inutusan niya si dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin na humanap ng mga dokumentong magpapatunay na naging matagumpay ang mga operasyon batay sa impormasyong nakalap mula sa confidential activities.
Kabilang sa mga naisumiteng AFP certification ang ukol sa Youth Leadership Summits (YLS) at iba pang information and education activities kasama ang militar.
Subalit kinuwestiyon ni Gatchalian kung paanong naging tiyak ang DepEd sa tugon nito sa COA na direktang bunga ng confidential information ang tagumpay ng mga programa, gayong dalawang opisyal ng militar ang nagpatotoo sa Senado na wala silang natanggap na anumang confidential data mula sa DepEd.
Depensa naman ni Poa, nakabatay lamang ang kanyang tugon sa impormasyong ibinigay ng Special Disbursing Officer (SDO) ng DepEd at sa sarili niyang pagbasa sa mga sertipikasyon ng militar. Gayunman, inamin nitong hindi sinabi ng SDO na ito mismo ang nag-abot ng cash rewards sa mga informer, at hindi rin umano niya nakapanayam ang security officer ng kagawaran ukol dito.
Inihayag din ni Poa na hindi siya inutusan ni Duterte na kumuha ng mga sertipikasyon mula sa AFP at ipinaalam lamang niya ito sa Bise Presidente nang makuha na ang mga dokumento. Nauna nang inamin ng mga opisyal ng militar na hindi nila alam na gagamitin ng DepEd ang kanilang sertipikasyon para sa liquidation sa COA.
Sa kaparehong pagdinig, tumanggi si Poa na magbigay ng opinyon kung sumunod ba sa batas at mga alituntunin ng pamahalaan ang paggamit ni Duterte sa confidential at intelligence funds sa DepEd at Office of the Vice President (OVP).
Nang tanungin ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung sa tingin niya ay naaayon sa batas ang lahat ng ginawa ng Bise Presidente batay sa kanyang mga nalalaman ngayon, iginiit ni Poa ang attorney-client privilege.
Pumabor naman si Presiding Officer Francis Escudero sa pasya ni Poa na huwag sagutin ang tanong, at ipinaliwanag na ang paghingi ng opinyon ay lalabag sa tungkulin nito bilang isang saksi sa halip na abogado ng Bise Presidente.
