Nagpaabot ng tulong ang Manila Water Foundation (MWF), kasama ang East Zone at Non-East Zone operating units ng Manila Water Company, sa pamamagitan ng pag-aaktibo ng programang “Agapay: WASH in Emergencies” upang matugunan ang pangangailangan sa tubig, sanitasyon, at kalinisan (WASH) ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha dulot ng habagat.
Sa pakikipagtulungan sa Clark Water at Pamahalaang Lokal ng San Simon, Pampanga, nagpamahagi ang MWF ng 600 na 5-gallon na purified drinking water at 200 hygiene kits para sa mga lumikas sa nasabing bayan sa Central Luzon.
Naglalaman ang bawat hygiene kit ng mga personal care product tulad ng feminine pads, sabon, shampoo, toothpaste, at Cleene CLIO toothbrushes mula sa PHILUSA Corporation upang matulungan ang mga evacuee na mapanatili ang kalinisan ng katawan habang nasa mga pasilidad.
Aabot sa mahigit 21,000 pamilya ang naapektuhan ng pagbaha sa San Simon, kung saan ang mga barangay ng San Agustin, San Isidro, San Miguel, Santa Monica, at Sto. Niño ang pinakamatinding napinsala. Tinatayang 500 evacuees mula sa mga lugar na ito ang nakatanggap ng direktang tulong.
“Naiintindihan namin na ang access sa malinis na tubig at maayos na sanitasyon ay lalong nagiging kritikal sa panahon ng emergency,” pahayag ni Reginald Andal, Executive Director ng Manila Water Foundation.
“Sa pamamagitan ng aming Agapay: WASH in Emergencies program, patuloy kaming nakikipagtulungan sa mga local government unit at operating unit partners upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga naapektuhang pamilya,” dagdag pa ni Andal.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Pamahalaang Lokal ng San Simon para sa mabilis na paghahatid ng inuming tubig at hygiene kits na nakatulong sa kalusugan at kapakanan ng mga bakwit.
Samantala, sa East Zone naman, nagbigay din ang MWF—kasama ang Manila Water Quezon City, Taguig-Pateros, at Rizal Service Areas—ng 450 units ng 5-gallon drinking water na pakikinabangan ng mahigit 2,088 evacuees sa iba’t ibang evacuation centers.
Magsasagawa rin ang foundation ng karagdagang pamamahagi ng 1,750 gallons ng inuming tubig sa Barangay San Jose sa Rodriguez, Rizal para sa mahigit 2,466 na residenteng patuloy na bumabangon mula sa kalamidad.
