TINATAYANG aabot sa P5.9 milyong halaga ng mga pekeng produktong pampalasa sa pagkain ang nasamsam ng mga awtoridad kasunod ng isinagawang pagsalakay sa isang bodega sa Valenzuela City, Martes ng umaga.
Dakong alas-10:30 ng umaga nang isagawa ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, kasama ang mga kawani ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) at kinatawan ng kompanyang nagreklamo ng pamemeke sa kanilang produkto ang pagsalakay sa isang bodega sa Brgy. Gen. T. De Leon.
Tumambad sa mga awtoridad ang aabot sa 1,279 kahon ng hinihinalang pekeng produkto na may tinatayang halagang P5,949,200.00 na kalaunan ay isinuko na rin sa pulisya upang isailalim sa wastong proseso ng disposal o pagsira sa oras na mapatunayang peke lahat ang mga ito.
Ayon kay P/Maj. Randy Llanderal, Assistant Chief of Police for Operations na nanguna sa pagsalakay, inimbitahan nila ang dalawang Chinese national na nasa loob ng bodega upang alamin ang kanilang partisipasyon sa mga pekeng produkto at kung sino ang supplier nito.
Pinuri naman nina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang mabilis na aksiyon ng kapulisan sa reklamo ng kompanyang gumagawa ng produkto habang isasailalim pa sa pagsusuri ang mga isinukong produkto upang alamin kung lahat ng ito ay palsipikado at nakakasama sa kalusugan ng tao.
Malalaman lamang ang mga kasong isasampa laban sa may-ari ng bodega at sa mga taong sangkot sa mga pekeng produkto sa oras na matapos na ang pagsusuri at imbestigasyon sa naturang kaso. (JUVY LUCERO)
