Sugatan ang isang lalaki habang dalawang establisyimento naman ang napinsala matapos itong araruhin ng isang SUV sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay Mambugan, Antipolo City, Linggo ng tanghali.
Batay sa paunang ulat ng mga responder, nawalan umano ng kontrol ang sasakyan na iniuulat na minamaneho ng aktor na si Niño Muhlach matapos itong makaidlip habang nagmamaneho.
Kasalukuyang kumakain sa isang kalapit na carinderia ang biktima nang bigla itong mabangga ng sasakyan. Damay rin sa insidente ang nakaparada nitong motorsiklo pati na ang katabing barbershop at sari-sari store.
Agad na isinugod ang sugatang biktima sa United Antipolo Specialists Hospital and Medical Center na malapit sa lugar ng aksidente upang lapatan ng lunas.
Ayon sa mga may-ari ng napinsalang mga establisyimento, nakipag-ugnayan na sa kanila si Muhlach upang sagutin ang mga pinsalang naidulot ng aksidente.
Kasalukuyan pang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabatid ang buong detalye at eksaktong dahilan ng pag-araro ng sasakyan.
