SWAK sa kulungan ang dalawang tricycle driver nang maaktuhang gumagamit umano ng shabu sa loob ng isang nakaparadang tricycle sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang mga suspek bilang sina alyas “Jomar”, 26, ng Brgy., Marulas at alyas “Mark”, 38, ng Brgy., Gen T De Leon.
Lumabas sa imbestigasyon ni P/MSg Carlito Nerit Jr., nakatanggap ng isang telephone call ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 at ipinaalam sa kanila ng tumawag ang hinggil sa nagaganap umanong pot session sa Parking lot ng Antonnete Townhomes, Barangay Marulas.
Kaagad namang nagsagawa ng validation sa nasabing lugar ang mga tauhan ng SS3 kung saan naaktuhan nila ang mga suspek na bumabatak umano ng droga sa loob ng isang nakaparadang tricycle dakong alas-10:12 ng gabi na dahilan ng kanilang pagkakaaresto.
Nasamsam sa kanila nina PCpl Inglis Balagtas at PCpl John Melo De Paz ang isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalias.
Sinampahan na ng pulisya ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 12 at 15 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office sa pamamagitan ng inquest proceedings. (JUVY LUCERO)
