Nakiisa ang Bell-Kenz Pharma sa Philippine Coast Guard Special Service Center (CGSSC) sa ginanap na send-off ceremony para sa mga Filipinong atletang nakatakdang lumaban at magdala ng karangalan sa bansa sa iba’t ibang pangunahing internasyonal na kompetisyon.
Kabilang sa mga papasok sa pandaigdigang entablado ang pole vaulter na si Riezel Buenaventura, sa suporta ng Enplus Gold, na sasabak sa 2026 World Masters Athletics Championships sa Daegu, South Korea mula Agosto 22 hanggang Setyembre 3. Bitbit ni Buenaventura ang matinding lebel ng karansan matapos mag-uwi ng pilak na medalya sa 2024 World Masters Athletics Championships sa Sweden at pumasok sa ikatlong puwesto sa 2025 World Masters Indoor Championships sa Estados Unidos.
Samantala, papasok naman sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan sa susunod na buwan sina Olympic silver medalist Nesthy Petecio at two-time Olympian Elreen Ando. Kasama rin nilang kakatawanin ang bansa sina judoka Khrizzie Pabulayan at beach volleyball player Lerry John Francisco laban sa pinakamagagaling na atleta sa buong Asya.

Mula man sa iba’t ibang larangan ng palakasan, iisa ang layunin ng mga naturang atleta: ang maglingkod at magbigay ng parangal sa Pilipinas nang may buong pagmamalaki.
Ayon sa PCG, ang kanilang suporta ay bahagi ng adhikain na tulungan ang mga Filipinong atleta na maabot ang pinakamataas na antas ng kahusayan. Para naman sa Bell-Kenz Pharma, ang pagtataguyod na ito ay pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga atleta na naglaan ng maraming taon sa pagsasanay.
Nagpaabot ang kompanya ng nutraceutical support para sa pagsasanay, recovery, at paghahanda ng mga atleta sa pakikipagtulungan sa kanilang mga coach at medical teams.
Binigyang-diin ng inisyatiba ang kahalagahan ng kalusugan sa pagpapanatili ng pinakamagandang kondisyon ng katawan, lalo na para sa mga pampublikong lingkod na pinagsasabay ang tungkulin sa bayan at ang disiplina ng mataas na antas ng sports.
“Pinatutunayan ng ating mga Coast Guard athlete na ang paglilingkod sa bayan ay may iba’t ibang anyo. Tumutugon man sila sa mga emerhensya o lumalaban sa pandaigdigang entablado, dala nila ang kaparehong disiplina, tapang, at dedikasyon. Buong pagmamalaki ng Bell-Kenz Pharma na suportahan ang kanilang kalusugan sa kanilang pagrepresinta sa Pilipinas,” pahayag ni Patrick Larraga, Corporate Branding and Public Affairs Head ng Bell-Kenz Pharma.
Ang partnership na ito ay bahagi ng layunin ng Bell-Kenz Pharma na pabutihin ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga programang nagsusulong ng kalusugan at kahusayan, gayundin ang patuloy na pakikipagtulungan sa PCG upang masigurong handa ang kanilang mga tauhan sa pisikal at mental na aspekto.
Nawawagan ang Bell-Kenz Pharma at ang Philippine Coast Guard sa buong sambayanan na suportahan at ipagmalaki ang mga atletang Filipino sa kanilang pagsimula ng panibagong kabanata ng laban para sa bayan.
