Nananawagan ang mga mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan na ibase sa agham at tamang datos ang pagpaplano sa mga imprastraktura upang tuluyang masolusyunan ang perennial na problema ng pagbaha sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.
Sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum, binigyang-diin ni Parañaque City Rep. Brian Yamsuan na kailangang lumipat ang bansa sa mas maayos na sistema.
“Ang kailangan natin ngayon ay science-based urban planning at evidence-based na mga proyekto. Kailangan nating pag-aralan ang behavioral, environmental, at historical factors para mas maging maayos ang mga proyektong ipapapatupad,” ayon kay Yamsuan.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang Parañaque ay isang natural na wetland na nasa gitna ng Manila Bay at Laguna de Bay, kaya’t natural itong nagiging saluhan ng tubig at basura. Binigyang-diin din niya na hindi na puwede ang mga piecemeal na solusyon sa pagbaha.
“Hindi puwede ang band-aid solution. Kahit anong ganda ng gawa mo sa isang lugar, kung wala namang maayos na outfall at magdudulot lang ng problema sa kabilang lungsod, hindi mo rin nasolusyunan ang pangkalahatang problema. Kaya kailangan talaga ng overall master plan,” dagdag pa ng kongresista.
Kabilang din sa isinusulong ni Yamsuan ang pagpapatupad ng National Land Use Act upang maiayos ang zoning at magkaroon ng mga water detention facilities—gaya ng mga underground reservoir sa Singapore, Denmark, at BGC—upang pansamantalang ipunin ang tubig-ulan.
Binigyang-diin naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Nicolas Torre na ang pagbaha ay isang malaking krisis na dulot ng climate change at mabilis na urbanization, ngunit malaki rin ang epekto ng gawi ng mga mamamayan.
Isinalaysay ni Torre kung paanong ang maliliit na aksyon, tulad ng pagtatapon ng mantika sa lababo at pagtatapon ng maliit na plastic sa mga drainage, ay nagiging sanhi ng malaking bara over time.
“Akala natin ang sebo ay lumulutang lang sa tubig. Pero kapag nag-accumulate ‘yan sa kanal over the years, nagiging parang bato na bumabara sa daluyan ng tubig,” pahayag ni Torre.
Dahil dito, inihayag ng MMDA ang planong paglikha ng Environmental Police o Garbage Police sa pakikipagtulungan sa Metro Manila Council (MMC) at mga barangay upang mas mahigpit na ipatupad ang mga ordinansa laban sa pagkakalat.
“Gusto nating baguhin ang kultura. Una ay sa pamamagitan ng enforcement, ngunit ang end goal natin ay sumunod ang tao hindi dahil may camera o may pulis, kundi dahil naiintindihan nilang para sa kabutihan ng lahat ang pagiging disiplinado,” ayon kay Torre.
Kinuwestiyon din sa forum ang limitadong budget ng MMDA para sa flood control na nasa P3.3 billion lamang para sa 2027 budget.
Binigyang-diin ni Yamsuan na sa pamamagitan ng Budget Amendment and Review Subcommittee (BARC) sa Kamara, bubusisiin nang husto ang National Expenditure Program (NEP) kasama ang mga Civil Society Organizations (CSOs).
Tiniyak ng mambabatas na gagawin nilang bukas at transparent ang talakayan sa badyet upang matiyak na ang bawat pisong ilalaan sa flood control ay nakabase sa tunay na pangangailangan ng mga komunidad at may patunay ng siyensya. (MINA PADERNA)
