Ang Boses ng Pilipinas, Tatanggap ng Parangal sa Beverly Hills
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
HANDA na ang pulang karpet. Handa na ang palakpakan. Dahil sa 06 Setyembre 2026 Linggo, isang Pilipina ang yayakapin ng Hollywood. Ang Manila International Film Festival – MIFF ay opisyal na inanunsiyo: Pararangalan nila si LEA SALONGA ng MIFF Icon Award sa kanilang Closing Night Gala sa The Beverly Hilton, California, United States.
Hindi ito basta parangal. Pagpupugay ito sa babaeng nagbukas ng pinto para sa lahat ng Pilipino at Asyanong artista sa buong mundo.
Bakit si Lea? Dahil siya si Lea. Sino ba naman ang hindi nakakilala kay Lea?
Siya si Kim sa Miss Saigon – ang papel na nag-uwi sa kaniya ng Tony, Olivier, Drama Desk Awards. Siya ang boses ni Princess Jasmine sa Aladdin (1992) at Mulan sa Mulan (1998) at Mulan II (2004). Disney Legend (2011). Gumanap sa mga pelikulang Pik Pak Boom (1988), Bakit Labis Kitang Mahal (1992), Sana Maulit Muli (1995), at Yellow Rose (2019). Kamakailan lang ay narinig ulit siya sa KPop Demon Hunters (2025). At ngayong 25 Setyembre 2026 Biyernes ay mapapanood natin siya sa bagong pelikula ng DreamWorks Animation, ang Forgotten Island.
“Si Lea Salonga ay isang alamat,” ayon kay Lisa Lew, Executive Producer ng MIFF. “Mula teatro hanggang Disney, mula Pilipinas hanggang Hollywood – siya ang pinakapayak na embahador ng kahusayan ng mga Pilipino.” At hindi pa diyan nagtatapos.
Nominado rin si Lea para sa Hollywood Walk of Fame Star (nagsimula 1960) sa Live Theater category. Kung matutuloy, siya ang kauna-unahang Pilipina na makakatanggap nito sa kasaysayan.
Kaalinsabay ng pagpaparangal kay Lea ay ipinagdiriwang ng MIFF ang ikatlong taon nito. Mula 03-06 Setyembre 2026 Huwebes-Linggo, babalik ang festival sa tahanan nito: TCL Chinese Theatre sa Hollywood.
Ang MIFF ay hindi lang film fest. Ito ang entablado ng mga Pilipino sa mundo. “Ang mga filmmaker at artistang Pilipino ay may mga kuwentong kailangang makita ng mundo,” pahayag ni Winston Emano, Producer ng MIFF. “At ang Hollywood ang lugar kung saan ito mangyayari”, dagdag ni Emano.
Sa mga nagdaang edisyon ay binigyan ng parangal ang mga haligi tulad nina Vilma Santos, Piolo Pascual, Dingdong Dantes, Boots Anson Roa, at Tia Carrere. Ngayon si Lea naman.
Sa entablado, sa pelikula, sa musika – dala ni Lea ang Pilipinas. At sa 06 Setyembre, sa gitna ng Beverly Hills, ibabalik sa kaniya ng mundo ang palakpakan na nararapat para sa kaniya.
Ang bagyo ng talento ni Lea ay hindi napipigil. Ang pangalan ng Pilipinas ay mas lalong sumisikat.
