Malaking dagok sa kasong inilalatag laban kay dating House Speaker Martin Romualdez ang ginawang pagbawi ng testimonya ng dating security aide na si Orly Guteza.
Sa kaniyang panibagong sworn statement, isiniwalat ni Guteza na inalok lamang siya nina Senator Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor ng P150 milyong pabuya at scholarship sa kaniyang mga anak upang gumawa ng kuwento ukol sa mga umano’y “cash-filled suitcases” na idinadala sa tirahan ng dating Speaker.
Binalewala naman ng Office of the Ombudsman ang naging aksyon ni Guteza at ng apat pang tinaguriang “maleta boys.”
Iginiit ng tanggapan na isang “classic pressure tactic” lamang ang mga recantation at hindi rito natatapos ang imbestigasyon sapagkat mayroon pa silang 28 iba pang aktibong testigo na nakahandang maglahad ng direktang ebidensya sa kontrobersya.
Samantala, inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi na nakagugulat ang mga ganitong pagbawi ng pahayag na ginagawang “negosyo” tuwing may mga politikong ginigipit.
Iginiit naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Erwin Tulfo na mas makabubuting ipaubaya na sa Ombudsman at Sandiganbayan ang kaso upang mas mabilis na makamit ang hustisya at pananagutan sa bayan habang busy ang Senado sa impeachment at budget hearings.
