Inilunsad ng DKT Philippines Foundation Inc., sa pakikipagtulungan sa Ministry of Health – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM), ang kauna-unahang floating clinic para sa family planning sa bansa ngayong Huwebes, Agosto 20.
Isinagawa ang paglulunsad sa BangkaPro sa Taguig City, ang tagagawa ng nasabing sasakyang-pandagat. Ang SODEX Floating Clinic ay naglalayong maghatid ng libreng serbisyo sa pamilya at kalusugang panggawa (reproductive health) sa mga malalayong komunidad sa BARMM at iba pang bahagi ng Mindanao.
Magsisimula ang operasyon ng floating clinic sa darating na Setyembre kung saan iikutan nito ang mga isla at baybayin ng Tawi-Tawi, Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Maguindanao del Sur.
Kabilang sa mga libreng serbisyong ipagkakaloob floating clinic ang consultation at counseling para sa pamilya; long-acting reversible contraceptives (LARCs) tulad ng intrauterine devices (IUDs) at two-rod implants; at temporary contraceptive methods tulad ng pills, injectables, at condoms.

Ayon kay Denise van Dijk, Chair ng Board ng DKT Philippines Foundation, Inc. at President/CEO ng DKT Health, Inc., ang hakbang na ito ay bahagi ng tatlong dekadang adbokasiya ng foundation upang alisin ang mga balakid sa pag-access sa tamang reproductive healthcare sa bansa.
“For more than three decades, DKT Philippines Foundation has worked to remove barriers to family planning through innovation and strong partnerships. The SODEX Floating Clinic is another important step in that mission,” pahayag ni van Dijk.
BASAHIN: MEGA SARDINES, PASOK NA SA MERKADO NG U.S
Ibinahagi naman ni Director II for Technical Services Dr. Ahmad-Fawadz Israel, na kinatawan si MOH-BARMM Minister Dr. Kadil “Jojo” M. Sinolinding Jr., ang mensahe ng ministro ukol sa kahalagahan ng proyekto sa mga lugar na nahihirapang maabot ng pampublikong serbisyo dahil sa heograpiya.

Nagsimula ang operasyon ng DKT Philippines Foundation noong 1991 at nananatiling nangunguna sa family planning at reproductive health advocacy . Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pamahalaang lokal at iba’t ibang partner organizations sa buong bansa, isinusulong ng pundasyon ang pamamahagi ng mga modernong pamamaraan ng contraceptive at edukasyon sa reproductive health.
Ang mga programa at outreach ng DKT—tulad ng SODEX Floating Clinic at mga mobile clinic—ay pinopondohan mula sa kita ng benta ng mga produkto ng TRUST. Ang perang nalilikom mula rito ay muling itinututok sa mga libreng serbisyo sa pamilya, edukasyon, at advocacy program na naglalayong tulungan ang mga mahihirap, malalayo, at nangangailangang komunidad sa buong Pilipinas.
