Gumawa ng panibagong kasaysayan ang tatak-Pinoy sa larangan ng pandaigdigang negosyo matapos opisyal na ianunsyo ng Mega Prime Foods Inc. (MPFI) nitong Martes, Agosto 18, ang malawakang pagpapalawak ng Mega Sardines sa merkado ng Estados Unidos.
Inihayag ng kumpanya na simula ngayong buwan hanggang sa kalagitnaan ng Setyembre, matatagpuan na ang Mega Sardines sa tinatayang 2,750 mga tindahan at supermarket sa ilalim ng Kroger—ang pangalawang pinakamalaking grocery chain sa U.S.—kabilang ang mga kilalang banner tulad ng Mariano’s, Fry’s, Dillons, at Pick ’n Save.
Dahil dito, ang Mega Sardines ang kauna-unahan at tanging produktong sardinas mula sa Pilipinas na direktang nakapasok sa nationwide distribution network ng Kroger.
Inihayag ni MPFI CEO Michelle Tiu Lim-Chan na naging pangunahing prayoridad ng kumpanya ang pagpasok sa U.S. market, na kinapapalooban ng siyam na buwang paghahanda at pakikibahagi sa mga major U.S. food show upang maipakilala ang produkto sa mga mamimili roon.
“To now see Mega Sardines reaching shelves across America is an important milestone for our company and for a Filipino brand with global ambitions,” pahayag ni Tiu Lim-Chan.
Ibinahagi naman ni Marvin Tiu Lim, Chief Growth and Development Officer ng MPFI, na hindi lamang layunin ng kumpanya na magbenta sa mga Pilipino sa ibang bansa kundi ang lumabas sa tinatawag na “ethnic aisle” at makipagsabayan sa mainstream global market.
Ipinakita rin sa ginanap na press conference ang datos kung saan pumapangalawa na ang Mega Sardines sa mga pinakamalalaking brand ng sardinas sa buong mundo batay sa estimated global brand revenue, kasunod ng Lucky Star mula sa South Africa.
“Our dream is not simply to become a successful Philippine sardine brand. Our dream is for a Filipino brand to become the number-one sardine brand in the world,” giit ni Tiu Lim.
Inihalintulad din ng pamilya Tiu Lim ang tagumpay na ito sa inspirasyong ibinibigay ng atletang tulad ng tanyag na Pinay tennis star na si Alex Eala—na nagpapakita ng galing ng Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Mula sa pagsisimula bilang isang maliit na kumpanya ng pangingisda 51 taon na ang nakalipas na itinatag nina Chairman William Tiu Lim at Marylou Tiu Lim, lumago ang Mega Prime Foods Inc. patungo sa pagiging isang malaking pangalan sa industriya.
Bukod sa Estados Unidos, sa tulong ng international sales partner na TTA (The Turnaround Artists) sa pangunguna ni James Michael “Jim” Lafferty, pumasok na rin ang Mega Sardines sa mga bagong merkado tulad ng Azerbaijan, Kenya, at Jordan, habang may 10 karagdagang bansa pa ang nakatakdang pasukin sa mga darating na buwan.
