Nakatutok at nakataas ang alerto ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval kasama ang Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang tugunan ang epekto ng patuloy na katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan mula sa Habagat.
Mahigpit na binabantayan ng LGU ang antas ng tubig sa mga kalapit na ilog, flood markers, at tide conditions, kasabay ng pagpapakalat ng mga rescue team at utility trucks sa mga pangunahing kalsada.
Simula pa noong Lunes, naglunsad na ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Libreng Sakay para sa mga stranded na commuter sa mga lugar na may naiulat na pagbaha.
Bukod dito, nakahanda na rin ang mga evacuation center, relief goods, food packs, at emergency supplies sakaling kailanganing lumikas ng mga residente.
Nagpaalala naman si City Administrator Dr. Alexander Rosete sa lahat ng Malabueño—lalo na ang mga nasa flood-prone areas—na manatiling mapagmatyag, umiwas muna sa hindi importanteng lakad, at agad na makipagtulungan sa mga awtoridad kapag ipinatupad ang paglikas.
