Binuweltahan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Sabado, Agosto 15, 2026, ang pamahalaan ng Tsina sa ginagamit nitong “squid tactic” o disinformation upang ilihis ang usapin sa pag-aresto sa mga Chinese na napatunayang sangkot sa mga ilegal na negosyo at paglabag sa kapaligiran sa Pilipinas.
Ang pahayag ni Teodoro ay kasunod ng ginawang paghuli ng China sa higit 100 Pilipino roon dahil umano sa usapin ng visa at residency—na nakikitang ganti ng Beijing matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang steel firm sa Misamis Oriental kung saan naaresto ang mga Tsinong tagapamahala nito.
Mariing kinondena ng kalihim ang banta ng Tsina na “papasanin ng mga Pilipino ang matinding epekto” nito, na tinawag niyang lantarang extortion at blackmail.
Binigyang-diin ng pinuno ng DND na ginawa ang pag-aresto sa mga dayuhan sa pamamagitan ng legal na search warrant mula sa korte matapos mapatunayang nagtatapon ang mga ito ng nakamamatay na kemikal at gumagamit ng substandard na bakal.
Tinapos ni Teodoro ang kaniyang pahayag sa isang matapang na mensahe: “Di tayo pasisiil!”
