Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Agosto 14, 2026, na may malaking posibilidad na masimulan ng Pilipinas at Tsina ang joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea (WPS) bago matapos ang kaniyang termino sa 2028.
Sa isang luncheon kasama ang foreign correspondents sa Maynila, binigyang-diin ng Pangulo na kinakailangan ng bansa na maghanap ng sariling pagkukunan ng langis at gas sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang supply ng enerhiya.
Ipinaliwanag ni Marcos na nagkaroon na ng paunang pag-uusap ang mga diplomat ng dalawang bansa matapos ang sumiklab na krisis sa Middle East na nagpaalboroto sa presyo ng langis.
Aniya, unti-unti nang nasosolusyunan ang mga usapin ukol sa terms of reference o panuntunan ng kasunduan upang malaman kung ito ay magiging isang komersyal na pakikipagtulungan lamang.
Kasabay nito, iginiit ng Pangulo ang kaniyang kagustuhan na magkaroon ng “reset” o pagpapababa ng antas ng tensyon sa karagatan sa pagitan ng Manila at Beijing.
Ito ay sa kabila ng mga kamakailang pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard at mga girian malapit sa Ayungin Shoal at Bajo de Masinloc.
