Personal akong sumasang-ayon dito. Kitang-kita naman, mga Cabalen, na bangayan sa pulitika, maagang pamumulitika sa pagitan ng mga magkakatunggaling kampo ang sanhi ng kahirapan ng mga Pilipino, maliban pa sa mga maling polisiya ng gobyerno.
Tama naman ang konklusyon na ito ni dating DBM Secretary at ngayon ay Monetary Board Member Ben Diokno.
Walang duda na sanhi ng walang katapusan pulitika sa bansa at pag-aaway-away ng administrasyon at minorya ang dahilan kung bakit walang pag-unlad ang bansa.
Kampi-kampi at tulong-tulong na pinapaikot ng mga pulitiko ang mga Pilipino para sa kanilang mga sariling ambisyon.
Walang tulak-kabigin, sapagkat sila namang lahat ay mga nag-traydor at nakinabang sa kaban ng bayan.
Maling polisiya na pinaiiral sa ating bayan, mga Cabalen, kung kaya naman tayo napapagsamantalahan, habang pinanonood at pinagtatawanan lamang tayong mga mamamayan na patuloy na naghihirap at hanggang ngayon ay walang katiyakan kung paano makakaahon.
Sagad po sa buto ang kasakiman ng mga pulitikong ayaw bumaba sa puwesto. Ginagamit nila tayo upang sandalan at pangsangga sa mga kalaban nila.
Lantaran ang kanilang pagnanakaw sa ating kaban at inaalisan tayo ng karapatang mabuhay ng masagana. Ang maagang pamumulitika ang dahilan kung bakit may impeachment sa Senado at Kongreso.
Kanya-kanyang kampihan sa bawat manok na kanilang pinupustahan. Ang pagkukunwari ng Malakanyang na walang papanigan kung kamag anak man ang maakusahan.
Naganap na ba? Wala pa dahil drama lang.
Samantala, simpatiya naman ang palabas para sa mga kalaban ng pamahalaan. Habang tayong lahat ay palong-palo sa sarsuelang ito.
Panahon na mga Cabalen. Huwag na tayo pauuto. Intindihin at dapat nating bantayan ang galawan ng mga pulitiko. May nagawa na ba sila para sa atin? Maliban sa walang katapusang panumulitika at magpasa ng polisiya na sila lamang ang makikinabang? Isip-isip din, mga Cabalen.
Hindi tayo mangmang na tulad ng akala nila.
