BUMAGSAK at naging kulelat na ang ekonomiya ng Pilipinas sa Timog-Silangang Asya dahil sa maagang pampulitikang interes, maling paggasta ng pambansang badyet, at kawalan ng maayos na pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.
Ito ang mariing inihayag ni dating Finance Secretary at dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin E. Diokno sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay Forum nitong Miyerkules, Agosto 12, 2026.
Ayon kay Diokno, mabilis ang paglago ng ekonomiya noong magsimula ang administrasyong Marcos Jr. kung saan pumalo sa 8.1 percent ang Gross Domestic Product (GDP) growth sa unang quarter ng 2022. Subalit labis itong bumagsak tungo sa 2.3 percent na lamang sa ikalawang quarter ng 2026.
“Ang pagbagsak ng ating ekonomiya ay dulot pangunahin ng mga usaping lokal,” pahayag ni Diokno. “Hindi rasyonal na isisi lamang ito sa mga panlabas na kadahilanan. Ang matinding pagbagal na ito ay maibabato sa maling alokasyon ng pambansang badyet, maling mga polisiya, mahinang pagpapatupad ng mga proyekto, at korapsyon.”
Inilahad ng dating opisyal na matapos ang mahigit isang taon lamang sa pwesto, tinalikdan ng administrasyon ang mga pang-ekonomiyang layunin nito at mas pinaboran ang pagsusulong ng PIRMA’s People’s Initiative noong huling bahagi ng 2023 hanggang unang bahagi ng 2024 para sa pagbabago ng Saligang Batas.
Sinundan pa ito ng impeachment process laban sa Bise Presidente at ng kontrobersyal na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2025, na lalo umanong nakasira sa kredibilidad ng pamahalaan at nagdulot ng kawalan ng tiwala ng mga mamumuhunan.
Dahil dito, sa halip na tutukan ang pag-aangat sa ekonomiya at pagpapatayo ng imprastraktura, naisangtabi ang mga importanteng proyekto.
Batay sa datos na ipinakita ni Diokno, ang Pilipinas na ang may pinakamahinang GDP growth sa mga pangunahing bansa sa ASEAN-6 ngayong ikalawang quarter ng 2026 sa antas na 2.3 percent. Malayo ito sa 8.4 percent ng Vietnam, 5.8 percent ng Malaysia, 5.7 percent ng Singapore, at 5.3 percent ng Indonesia.
Nagbabala rin si Diokno na magiging lubhang gipit ang 2027 National Budget dahil sa mababang koleksyon ng buwis, pagtaas ng babayarang interes sa utang, at pagliit ng pondo para sa mga proyektong nakakalikha ng trabaho.
Ayon sa kaniya, mula sa pangakong 5.0 hanggang 6.0 percent ng GDP para sa pampublikong imprastraktura sa ilalim ng “Build Better More,” babagsak na lamang ito sa 4.17 percent ngayong 2026, 4.03 percent sa 2027, at 3.96 percent sa 2028.
Bukod dito, ang pondo ay mas napupunta sa mga social grants na madaling gamitin sa pampulitikang patronage sa halip na sa mga proyektong magpapalago sa pambansang lebel ng produksyon. (MINA PADERNA)
