Pormal nang naisumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara ang panukalang P7.2-Trillion 2027 National Expenditure Program (NEP) ngayong Martes, Agosto 11, 2026.
Kabilang sa panukalang badyet ang P10.773 bilyon na inilaan para sa Confidential at Intelligence Funds (CIF) — na mas mababa ng 8.8 porsyento kumpara sa inilaan ngayong taon — kung saan P4.368 bilyon ang confidential habang P6.405 bilyon naman ang intelligence funds.
Ayon kay Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon, tanging ang mga ahensya lamang na may malinaw na legal na awtoridad ang makakatanggap ng CIF, habang mananatili naman sa parehong antas ang CIF ng Office of the President na may P2.25 bilyong confidential at P2.3 bilyong intelligence funds.
Samantala, inirekomenda naman ng ehekutibo ang P111.984 bilyon para sa Unprogrammed Appropriations (UA), na ayon sa DBM ay ang pinakamababang halaga mula noong 2019 at gagamitin pondo sa mga nakatakdang foreign-assisted projects.
Tiniyak naman ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Suansing na sasalain nang maigi ng Kamara ang Unprogrammed Appropriations at hindi papayagang maisama rito ang mga flood control projects.
Nakatakda na ang simula ng budget deliberations sa Agosto 17, habang target ng Kamara na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang 2027 national budget bago mag-Oktubre 9, 2026.
