Pormal nang inihain ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong (3) counts ng kasong Grave Threats laban kay Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court ngayong Martes, Agosto 11, 2026.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Raphael Martinez na inihain ang mga reklamo matapos makakita ang prosecutors ng prima facie evidence o sapat na ebidensya mula sa imbestigasyon ng NBI ukol sa ginawang pahayag ni VP Sara noong Nobyembre 2024 kaugnay ng umano’y pagkuha nito ng tao para ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay. Ibinasura naman ng DOJ ang reklamong Inciting to Sedition.
Mabilis namang naglabas ng pahayag ang kampo ni VP Sara kung saan iginiit ng kaniyang legal counsel na si Atty. Paul Lawrence Lim na nananatiling presumed innocent ang Bise Presidente at gagamitin ang lahat ng legal remedies.
“Equally important, as a sitting impeachable officer, the Vice President may not be prosecuted for an alleged offense that is also the subject of an impeachment case,” ayon kay Lim.
Gayunpaman, pinaliwanag ng mga legal experts tulad ni UP Law Professor Dan Gatmaytan na walang probisyon sa batas na nagbabawal na magpatuloy nang sabay ang impeachment at ang kasong kriminal dahil magkaiba ang requirement ng ebidensya sa dalawa.
Binigyang-diin din na walang presidential immunity ang Bise Presidente sa ilalim ng 1987 Constitution, kaya’t pwedeng-pwede itong sampahan at litisin sa mga regular na hukuman.
