IWAS-SAKIT SA PAG-HUPA NG BAHA! Personal na nag-ikot si Marikina City Mayor Maan Teodoro sa Libis Bulelak, Barangay Malanday upang magbahagi ng gamot laban sa leptospirosis at mga bitamina sa mga residenteng naapektuhan ng bahagyang pagbaha dulot ng hanging Habagat. (Kuha mula sa Marikina PIO)
Pormal nang idineklara ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na flood-free na ang buong lungsod at passable na sa lahat ng sasakyan ang mga pangunahing kalsada ngayong Martes, Agosto 11, 2026.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, bumaba na sa normal na 14.1 meters ang antas ng tubig sa Marikina River mula sa 2nd alarm noong nakaraang araw, dahilan upang makauwi na ang lahat ng residenteng sumilong sa 29 evacuation centers.
Kasabay ng paghupa ng tubig-baha, agad na sinimulan ng LGU ang malawakang clearing at cleaning operations sa mga komunidad at paaralan.
Upang matiyak naman ang kalusugan ng mga mamamayan, personal na pinangunahan ni Mayor Maan ang door-to-door distribution ng vitamins at anti-leptospirosis prophylaxis sa Libis Bulelak, Barangay Malanday kasama ang mga opisyal at doktor mula sa City Health Office.
Inihayag ng alkalde na ang patuloy na dredging sa Marikina River at declogging sa mga estero — gamit ang mga bagong amphibious dredger mula sa DPWH — ang pangunahing dahilan kung bakit naging minimal lamang ang naranasang pagbaha sa kabila ng tuloy-tuloy at matinding buhos ng ulan dala ng Habagat.
Gayunpaman, pinalalahanan pa rin ng LGU ang mga residente na manatiling alerto at makipag-ugnayan sa mga awtoridad habang patuloy ang pag-monitor sa panahon.
