Hinatulan ng Regional Trial Court ang isang indibidwal ng hanggang 14 taong pagkabilanggo at multang P100,000 matapos mapatunayang guilty sa pagtatangkang mandaya sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) gamit ang mga pekeng billing statement. Kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara ang naturang desisyon at binigyang-diin na patuloy na protektahan ng Department of Education (DepEd) ang pondo ng bayan at hahabulin sa hukuman ang sinumang magtatangkang mag-abuso sa mga programang pangedukasyon. 📷: DepEd
Hinatulan ng Regional Trial Court (RTC) sa National Capital Region na guilty ang isang indibidwal na nagtangkang mandaya sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga pekeng billing statement.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, lumabas ang desisyon ng korte noong Hulyo 28, 2026.
Pinatawan ang akusado ng pagkabilanggo na aabot sa 14 taon, walong buwan, at dalawang araw, bukod pa sa multang P100,000 para sa dalawang count ng kasong kanyang kinakaharap.
Binigyang-diin ni Angara na bagama’t maaari pang iapela ang naturang desisyon, isa itong malinaw na babala na pananagutin sa batas ang sinumang magtatangkang mag-abuso sa mga programang pangedukasyon ng gobyerno.
BASAHIN: Freelancer arestado sa Pasay dahil P3.7-M crypto scam
Aniya, nananatiling matatag ang Department of Education (DepEd) sa pagprotekta sa integridad ng SHS-VP upang matiyak na ang benepisyo nito ay makakarating sa mga tunay na mag-aaral.
“The Senior High School Voucher Program was built to give students opportunities, not to line the pockets of fraudsters,” pahayag ni Angara.
“While we respect due process, this ruling sends an unmistakable signal: we will not tolerate anyone cheating our public system. Bawat pisong para sa edukasyon, dapat makarating sa totoong mag-aaral,” dagdag pa ng kalihim.
Muli namang tiniyak ng DepEd na patuloy nilang hihigpitan ang mga safety net laban sa fraud, poprotektahan ang pondo ng bayan, at hahabulin sa hukuman ang sinumang mag-aabuso sa SHS-VP at iba pang educational assistance programs.
