TINATAYANG nasa 14,541.57 kilo ng expired meat at iba pang food products ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng National Meat Inspection Service (NMIS), National Bureau of Investigation (NBI), at City Veterinary Services Office (CVSO) sa Valenzuela City.
Sa operasyon ng NMIS at NBI noong Hulyo 10, 2026, nakumpiska ang 7,600.21 kilo ng expired imported frozen meat products, kabilang ang beef, pork, at chicken, na ibinebenta online sa Barangay Arkong Bato.
Nasa kustodiya na ng NMIS ang mga ito at isasailalim sa tamang disposal ng Bureau of Animal Industry.
Samantala, nasamsam din ang 6,941.36 kilo ng iba’t ibang food products noong Hulyo 11, 2026, sa isinagawang operasyon ng CVSO sa Barangay Gen. T. de Leon, kabilang ang pork, beef, chicken, french fries, assorted vegetables, duck breast, at iba’t ibang uri ng seafood.
BASAHIN: Bagitong parak na galing sa SONA, tigok sa truck
Matapos ang masusing inspeksyon, itinuring ang mga ito na hindi ligtas para sa konsumo at isasailalim sa tamang proseso ng disposal.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko na bumili lamang ng karne at iba pang food products mula sa mga lehitimo at mapagkakatiwalaang tindahan.
Para sa mga katanungan, paglilinaw, o pag-uulat kaugnay ng mga kahina-hinalang produktong karne, maaaring makipag-ugnayan sa CVSO sa 8352-2000 loc. 2111.
